
14/01/2025
𝗜𝗦𝗔 𝗦𝗔 𝗠𝗔𝗜𝗣𝗔𝗚𝗠𝗔𝗠𝗔𝗟𝗔𝗞𝗜𝗡𝗚 𝗟𝗔𝗡𝗗𝗠𝗔𝗥𝗞 𝗡𝗚 𝗦𝗔𝗡𝗧𝗜𝗔𝗚𝗢, 𝗡𝗔𝗣𝗔𝗕𝗔𝗬𝗔𝗔𝗡 𝗡𝗔
Pinangunahan ng ilang residente ang pagbibigay ng hinaing tungkol sa napabayaang dating iconic landmark ng lungsod – ang estatwa ng Kalabaw na dati ay matatagpuan sa Plaza Pavilion sa gitna ng Santiago, ngunit ngayon ay nilipat sa ISU Balintocatoc at tila kinalimutan na ng lokal na pamahalaan.
Ayon sa mga residente, kilalang simbolo ng kasaysayan at kultura ng Santiago ang estatwa ng Kalabaw sa Plaza Pavilion. Matagal itong nagsilbing palatandaan na ikaw ay nasa puso ng lungsod, kaya't marami ang nalungkot nang ito’y ilipat sa isang lugar na malayo at hindi accessible kaya ang resulta ay hindi na naalagaan. “Sayang ang kagandahan na ginawa ng mga lider natin noon. Ngayon napabayaan na lang basta,” ayon sa isang residente.
Bilang sagisag ng kasipagan ng mga Santiagueño, ang Kalabaw ay naging sentro ng mga aktibidad at pagdiriwang sa bayan. Maraming pamilya at turista ang pumupunta noon sa Plaza Pavilion upang makita at kuhanan ng litrato ang estatwa. Ngayon, iniwan itong tila wala nang halaga sa ISU Balintocatoc, na ikinalungkot ng maraming netizens.
Marami ang nagsasabing tila napapabayaan ang mga makasaysayang bahagi ng Santiago dahil umano sa kakulangan ng malasakit ng mga kasalukuyang namumuno sa Santiago. Ayon sa ilang netizens, “Porket hindi talaga tubong Santiago si Mayor, parang wala siyang pakialam sa mga simbolo at kasaysayan ng ating bayan.”
Dagdag pa ng ilan, hindi raw dapat hayaang mawala ang ganitong mga simbolo ng pagkakakilanlan ng lungsod. Nanawagan sila na sana’y magkaroon ng malinaw na plano para sa pagpreserba at pagbabalik ng mga importanteng landmark na naging bahagi ng kasaysayan ng Santiago.
“Ang Kalabaw noon ay simbolo ng ating pagkakaisa at kasipagan. Ngayon, para bang iniwan na lang sa kung saan na walang nag-aalaga. Nakakalungkot isipin na ang dating ipinagmamalaki natin ay nagiging bahagi na lang ng nakaraan na tila wala nang halaga,” pahayag ng isang netizen.
*Makikita ang link ng orihinal na post sa comment section.
- John Paul Catata | News Correspondent