18/12/2025
CONSTRUCTION WORKER FOUND DEAD IN TALISAY, BATANGAS; POLICE LAUNCH MANHUNT | via AJI AGOJO (BIGFM News Bureau)
TALISAY, Batangas β Isang 20-anyos na construction worker ang natagpuang patay sa loob ng kanilang barracks sa Barangay Tranca, Talisay, Batangas, noong umaga ng Disyembre 18, 2025, ayon sa ulat ng pulisya.
Bandang alas-7:10 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang mga awtoridad mula sa isang barangay councilor hinggil sa pagkakadiskubre ng isang bangkay sa nasabing lugar. Tinatayang alas-6:30 ng umaga nang unang madiskubre ang biktima na wala nang buhay.
Kinilala ang nasawi na si Jacky Ynopia Obiedo, 20 taong gulang, isang construction worker, tubong Baleno, Masbate, at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Tranca, Talisay.
Batay sa salaysay ng kanyang katrabaho na si Ronnie Plamiano Limboy, 39 taong gulang, napansin niyang bukas ang barracks ng biktima habang siya ay naghahanda ng pagkain sa labas ng kanilang tinutuluyan. Nang kanyang pasukin ang silid upang silipin ang biktima, dito niya nadiskubre si Obiedo na nakahandusay at wala nang buhay.
Agad niyang ipinaalam ang insidente sa iba pang mga kasamahan sa trabaho at humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Sa paunang imbestigasyon, napansin ang blunt trauma sa likod ng tainga ng biktima, na posibleng indikasyon ng pananakit. Dahil dito, humingi ang pulisya ng tulong mula sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa mas masusing pagsusuri ng lugar, habang isasailalim naman sa autopsy examination ang bangkay ng biktima upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay.
Samantala, iniutos ni PMAJ El Cid A. Villanueva, hepe ng pulisya sa nasabing lugar, ang agarang pagtugis sa mga taong nasa likod ng pamamaslang. Ayon sa kanya, inatasan na ang mga tauhan na palalimin ang imbestigasyon at magsagawa ng follow-up operations upang matukoy at mahuli ang mga responsable sa krimen.
Sa ngayon, ang insidente ay itinuturing pa ring isang developing story, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at inaasahang maglalabas ng karagdagang detalye ang pulisya sa mga susunod na ulat.
π·Talisay MPS