14/10/2025
                                            P242 bilyon ang utang ng gobyerno sa PhilHealth — hindi lamang P60 bilyon
Kulang umano ang P60 bilyon na inanunsyo ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ibabalik ng pamahalaan sa PhilHealth, dahil hindi pa nito kasama ang interes na dapat ay naipon sa loob ng ilang taon.
Ayon sa pagsusuri, dapat ding bayaran ng gobyerno ang isa’t kalahating taong interes sa halagang iyon. Sa kasalukuyang takbo ng interes sa malalaking time deposit na nasa 5% kada taon, dapat sana’y tumubo ng P4.5 bilyon ang P60 bilyon kung hindi ito nakuha ng gobyerno. Ibig sabihin, ang kabuuang dapat ibalik ay humigit-kumulang P64.5 bilyon.
Gayunman, ayon sa mga ulat, umabot na sa P242.28 bilyon ang kabuuang obligasyong hindi pa nababayaran ng gobyerno sa PhilHealth — kabilang na rito ang mga dapat na kontribusyon, remittance, at interes.
Tinatayang 66 milyong direct contributors at kanilang dependents ang may-ari ng PhilHealth, bukod pa sa 37 milyong maralita na sinasagot ng pamahalaan ang buwanang kontribusyon.
Simula pa noong 2019, wala pang naibibigay na kontribusyon ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa PhilHealth. Noong 2025, zero ang remittance mula sa sin taxes, na dapat sana’y umabot sa P74 bilyon. Dahil dito, lumobo ang utang ng gobyerno sa P242.28 bilyon, at plano lamang nitong magbigay ng P53 bilyon sa 2026 — halagang katumbas pa lamang ng interes sa loob ng anim na taong pagkakautang.
Alinsunod sa Universal Health Care Act of 2019, obligadong maghulog ang gobyerno ng kontribusyon para sa mga maralitang kasapi, na katumbas ng 50% ng kabuuang remittance ng Pagcor at PCSO sa gobyerno bawat taon. Ayon naman sa Sin Tax Law, karagdagang 40% ng buwis mula sa tabako at matatamis na inumin ang dapat mapunta rin sa PhilHealth.
Mariing panawagan ngayon ng ilan na panagutin ang mga opisyal ng PhilHealth Board na itinatalaga ng Malacañang, dahil sa umano’y kapabayaan sa pangangalaga ng pondo ng mga miyembro. Anila, nilabag ng mga ito ang Corporation Law, na nag-uutos sa mga board directors na protektahan ang interes ng mga shareholders at tiyaking hindi nagagamit ang pondo para sa pansariling o pampulitikang kapakanan.