10/02/2026
PROYEKTO SA SILANG!
Ang mga proyektong nasimulan sa Silang, Cavite ay nararapat lamang na ipagpatuloy at tapusin, sapagkat ito ay bahagi ng tungkulin ng sinumang nakaupo sa pamahalaan. Hindi ito personal na pabor o utang na loob kaninuman, kundi obligasyon ng isang mayor na gampanan ang kanyang sinumpaang tungkulin para sa kapakanan ng mamamayan.
Mahalaga ring bigyang-diin na ang pondong ginagamit sa mga proyektong ito ay nagmumula sa pera ng taong bayan—mula sa buwis at kontribusyon ng mamamayang Silangueño. Kaya’t nararapat lamang na ang mga proyekto ay ipagpatuloy nang maayos, tapat, at may pananagutan, anuman ang nakaupong administrasyon.
Ang pagpapatuloy ng mga proyekto ay hindi dapat iugnay sa pangalan o mukha ng sinumang politiko, kundi sa layuning mapabuti ang serbisyo at kalidad ng buhay ng mga residente ng Silang. Sapagkat sa huli, ang tunay na sukatan ng pamumuno ay ang tuloy-tuloy na serbisyo, hindi ang personal na kredito.