08/09/2025
Noong Enero 13, 2022, kinulong ang 80-anyos na si Narding Floro, kilala sa tawag na “Lolo Narding,” dahil sa umano’y pagnanakaw ng sampung kilong mangga sa Barangay Bantog, Asingan, Pangasinan. Arestado siya batay sa warrant na inisyu noong Disyembre 20, 2021 ng 7th Municipal Circuit Trial Court ng Asingan-San Manuel.
Ang puno ng mangga ay siya mismo ang nagtanim noong kabataan niya, ngunit dahil nakatanim ito sa lupang hindi na sa kanya, ang mga bunga nito ay itinuturing nang pag-aari ng kasalukuyang may-ari ng lupa. Sa simpleng pamimitas na ginawa niya, isinampa ang kaso ng pagnanakaw at siya ay inaresto. Namitas lang siya ng bunga na siyang pinaghirapan niyang tanim noong bata pa siya. Subalit, dahil sa pag-aari ng lupa na hindi kanya at walang pahintulot mula sa may-ari, tinuring itong pagnanakaw.
Nais man niyang makipagkasundo at handa pang magbayad para sa mangga, hindi iyon tinanggap. Sa halip, kailangang mag-post ng bail na ₱6,000, malaking halaga para sa isang matanda na walang ikabibili ng pagkain.
Nakakapanlumo at nakakapanghinayang. Isang 80-taong gulang na matanda, naghihirap para makabili lang ng pagkain, ay nakulong dahil lang sa sampung kilo ng mangga. Samantalang ang mga pulitiko na nagnakaw ng milyong-milyong piso mula sa kaban ng bayan, madalas ay ligtas at malaya. A tale of two thieves, ika nga.
Ang tanong ngayon ay hindi na kung may nakaw, kundi kung may mapaparusahan. May makukulong kaya sa mga pulitikong nagnakaw ng bilyon?