23/08/2026
๐๐๐ง๐๐ฅ๐๐ฅ๐ฌ | ๐๐จ๐ ๐ข๐ง
"Matutong mamaluktot kung maikli ang kumot."
Pero, Mama... napupunit na po.
Papa... lumalagpas na po ang mga paa ko. Kinakagat na po ako ng lamig, at ng mga lamok.
Lolo, Lola, Ate, Kuya... lumalaki na po ako.
Kailan pa po ba mapapalitan ang kumot?
Hindi na po kasi nito natatakpan ang ginaw.
Palagi na lang po ba tayong ganito?
Magpapakampante na lang ba tayo sa kung anong mayroon, kahit alam nating hindi iyon sapat?
Bakit natin pinipilit maging komportable sa mga bagay na dapat sana'y ipinaglalaban nating mabago?
Napansin ko lang po...
Baka kayo rin, noon, tinuruan ding mamaluktot.
Iyong kapag kulang, magtiis.
Kapag mahirap, magkasya.
Kapag hindi kaya, tanggapin na lang.
Paulit-ulit hanggang sa akalain nating normal na ang kakulangan.
Kaya may mga pasyenteng inuuna pang tanungin ang presyo ng gamot bago ang pangalan ng sakit. Mas mabigat na kasi ang resibo kaysa sa reseta.
May mga pamilyang pinipiga ang bawat butil ng bigas, pinaghahati-hatian ang iisang ulam, at isinisiksik ang isang linggong buhay sa iisang lata. Na para bang ang kahirapan ay kasalanan, at ang mabuhay ay isa nang pribilehiyong kailangang bayaran.
May mga batang mas maagang natutong magbanat ng buto kaysa magbuklat ng aklat. Sinasabi pa nila, "Poverty is not a hindrance to success." Marahil.
Pero hindi nila alam ang pagitan ng pangarap at pamasahe, ng diploma at hapunan, ng matrikula at laman ng pitaka.
May mga drayber, magsasaka, tindera, mangingisda, at mga manggagawang hinahabol ang pagsikat at paglubog ng araw, hindi para yumaman, kundi para lamang may maihain sa hapag kahit ito'y kulang lang.
May mga taong ipinagbibili ang tanging yamang iniingatan nila, kagaya ng, lupa; alahas; alaala; at maging ang sarili nilang dangal; sa halagang hindi man lang katumbas ng tunay nitong halaga. Hindi dahil gusto nila, kundi dahil wala na silang ibang mapagpipilian.
At mas masakit...
May mga taong ginagamit ang ating pagkakabaluktot.
Habang hirap tayong gumalaw sa kakapusan, lalo tayong pinagsasamantalahan.
At ang pinakamalungkot...
Unti-unti tayong nasanay.
Sino nga ba ang nagturo sa ating manatiling nakabaluktot?
Sino ang nagsabing ang pagtitiis ang tanging paraan para mabuhay?
At bakit hanggang ngayon, tila takot pa rin tayong dugtungan ang kumot?
Bakit hindi natin ito sama-samang habaan, upang wala nang mapilitang mamaluktot?
Nakakalungkot isipin...
Tuwing may problema, tayo ang hinihingan ng sakripisyo.
Kapag may krisis, tayo ang inaasahang umunawa.
Kapag may pagkukulang, tayo ang pinagbabayad.
Ngunit kapag may kasaganaan...
Iilan lamang ang nakikinabang.
May mga nakaupo sa kapangyarihan na tila itinuring na buffet ang kanilang posisyonโkuha lamang nang kuha, busog na busog sa pribilehiyo, habang ang mga taong dapat nilang pagsilbihan ay patuloy na nagugutom.
Hindi man lang itinatanong kung pantay ba ang kanilang mga pasya.
Siguro dahil hindi nila nararamdaman ang ginaw ng mga walang maayos na kumot.
Hindi ito bago.
Matagal na itong kuwento.
At tila bawat henerasyon ay minamana hindi ang mas mahabang kumot, kundi ang mas mahigpit na pagkakabaluktot.
Mama...
Papa...
Malaki na po ako.
Nauunawaan ko na ang bawat panahon ng ating pamamaluktot.
Tama na po ito...ayaw ko na sa maikli at gusay-gusay na kumot.
---
ni V. Fortuna | The Campus Headliner Literary