22/08/2026
| Ang Balarila ng Isang Estudyante
Sa balarila, may mga salitang kailangang tukuyin bago maunawaan ang isang pangungusap. Sa kolehiyo, natutuhan naming hindi pala sapat na alam mo kung ano ang pangngalan, pandiwa, pang-uri, at pang-abay. Kailangan mo ring malaman kung alin ka sa mga iyon.
Minsan, pakiramdam ko, ako ang pangngalan: isang pangalan lamang sa mahabang talaan ng mga estudyanteng kailangang pumasa. May pangalan. May grado. May numero. May seksiyon. Ngunit sa pagitan ng mga titik at bilang, unti-unting umuusbong ang tanong: Sino nga ba ako?
Pagkatapos, darating ang pandiwa. Kailangang kumilos. Magbasa. Mag-aral. Magsulat. Magpasa. Mag-report. Mag-recite. Magpuyat. Paulit-ulit. Para bang ang pagiging estudyante ay isang pandiwang walang panahunan. Kung saan walang tapos, walang nakaraan,
palaging nasa kasalukuyan.
At kapag napagod ka, hindi puwedeng maging pangngalan ka muna. Kailangan mong kumilos. Kailangan mong magpatuloy. Dahil may deadline. May quiz. May presentation. May pangarap. At higit sa lahat, may takot na baka hindi ka sapat.
Doon naman pumapasok ang pang-uri. Mahusay. Masipag. Matalino. Produktibo. Achiever. Future teacher. Ang daming salitang kailangang maging tayo. Para bang kapag hindi mo naabot ang isang pang-uri, nabawasan din ang halaga ng pangngalan mong sarili.
Kapag hindi mataas ang grado, hindi na ba ako matalino? Kapag hindi ako produktibo, tamad na ba ako? Kapag bumagsak ako, kabiguan na ba ang tawag sa akin At kapag hindi ko na kayang ngumiti habang ginagawa ang lahat, mahina na ba ako?
Samantala, tahimik lamang ang pang-abay. Hindi nito sinasabi kung ano tayo. Sinasabi lamang nito kung paano tayo nagpapatuloy. Dahan-dahan. Minsan. Halos. Pilit. Paulit-ulit.
At marahil, ito ang pinakatapat na bahagi ng pananalita tungkol sa aming mga estudyante. Dahil hindi naman kami laging nagpapatuloy nang buong tapang. Minsan, nagpapatuloy kami nang takot. Minsan, nang umiiyak. Minsan, nang puyat. Minsan, nang hindi alam kung saan patungo. Ngunit nagpapatuloy pa rin. At marahil iyon ang hindi nakikita sa mga grado.
Sa bahaging pangnilalaman, may mga salitang kayang tumayo nang mag-isa. Pangngalan. Pandiwa. Pang-uri. Pang-abay. Ngunit sa tunay na buhay, hindi yata tayo ganoon.
Kailangan natin ng pang-ukol para malaman kung saan tayo patungo. Ng pangatnig upang maiugnay ang isang pagkabigo sa panibagong pagkakataon. Ng panghalip para minsan ay makapagpahinga tayo sa pagiging “ako” at matutong maging “tayo.” At marahil kailangan din natin ng mga salitang pantulong. Yung mga salitang tila maliit, tila hindi mahalaga, ngunit kapag nawala, mag-iiba ang buong pangungusap.
Ganoon pala kami sa kolehiyo. Hindi kami mga pangngalang kailangang laging matatag. Hindi kami mga pandiwang kailangang laging kumikilos. Hindi kami mga pang-uring kailangang laging magaling. Kami ay mga salitang patuloy na hinahanap ang tamang puwesto.
Kahit minsan, mali ang gamit. Minsan, kulang ang kahulugan. Minsan, kailangang burahin at isulat muli. At marahil, ayos lang iyon dahil hindi naman sinusukat ang isang pangungusap sa kung gaano karami ang salitang ginamit nito. Sinusukat ito sa kahulugang nabuo nito.
Kaya kung sa ngayon ay magulo pa ang pangungusap ng buhay namin, kung may mga kuwit na hindi namin alam kung saan ilalagay, mga tuldok na ayaw pa naming tapusin, at mga salitang paulit-ulit naming binubura, baka hindi ibig sabihin noon na mali kami. Baka nangangahulugan lamang na hindi pa tapos ang pangungusap. At kaming mga estudyanteng pagod, nalilito, at nagpupumilit ay patuloy pang sumusulat. | Sulat ni Ronalyn Mae Fuertes, Disenyo ni Darwin Daniel,