31/08/2026
๐๐๐ง๐๐๐๐๐๐ก | ๐๐ข๐ง๐๐ข ๐๐ค๐จ ๐๐ฌ๐๐ง๐ ๐๐๐ฒ๐๐ง๐ข
May isang lumang litrato sa gallery ng aking cellphone na paminsan-minsan kong binabalikan. Nandoon ako, nakasuot ng luntiang toga, at nakangiti sa harap ng kamera. Sa litrato, mukha akong isang estudyanteng walang ibang iniisip kundi ang makapagtapos at makapagsuot ng medalyang maipagmamayabang sa mga kaibigan. Hindi pa malinaw ang kolehiyo, hindi pa pamilyar ang mga susunod na taon, at hindi ko pa alam kung gaano karaming tanong ang dadalhin ko pagkababa ko sa entablado.
Isa sa mga tanong na iyon ay nagsimula sa isang simpleng pangungusap.
โWalang pambansang bayani.โ
Ilang beses ko na itong narinig noong isa pa akong HUMSS student. Madalas sa mga klase namin sa PolGov sa gabay ni Sir Patriarca, sa mga talakayan, sa mga pahinang binabasa namin, at sa mga diskusyong kung minsan ay nauuwi sa mahahabang argumento, palagi itong bumabalik. Hindi lamang iisang tao ang dapat tawaging bayani. Lahat sila ay bayani.
Noong una, hindi ko ito lubos na nauunawaan. Kung tutuusin, mas madaling matutong kilalanin ang mga bayani kapag mayroon kang mga pangalan at mukha na maaaring tandaan. Rizal. Bonifacio. Mabini. Luna. Silang. Mga pangalang paulit-ulit na lumilitaw sa mga aklat hanggang sa maging pamilyar na ang mga ito.
Naalala ko ang isang debate namin noon tungkol kina Rizal at Bonifacio. Sino ang higit na karapat-dapat tawaging pambansang bayani? Si G*t Jose Rizal ba na nagmula sa marangyang angkan, nag-aral sa Europa, sumulat ng Noli at El Fili, at namatay sa Bagumbayan? O si Andres Bonifacio ba na hindi biniyayaan ng pormal na edukasyon, naging mahalagang mukha ng himagsikan, at kinilalang Ama ng Katipunan?
Dalawang pangalan, dalawang buhay, dalawang paraan ng pagharap sa isang bayang may sariling mga sugat at pangarap.
Ngunit habang pinaglalaban ang napiling panig, mas naging interesado ako sa tanong na nasa likod nito. Bakit kailangan nating pumili?
Marahil, iyon ang isa sa mga bagay na natutuhan kong gawin sa HUMSS: magtanong.
Hindi lamang โano ang sagot?โ kundi โbakit ito ang sagot?โ Sino ang nagsabi? Kaninong kuwento ito? Sino ang hindi naririnig? Ano ang maaaring hindi natin nakikita kapag tumitingin tayo mula sa isang panig lamang?
Bilang isang humanista, hindi pala sapat ang maraming alam. Kailangan ding matutong tumingin sa tao sa likod ng bawat konsepto, sa buhay sa likod ng bawat pangyayari, at sa mga kuwentong maaaring hindi naisulat. Kaya unti-unting nagbago ang tingin ko sa kabayanihan.
Hindi na lamang ito tungkol sa mga pangalang may rebulto o mga taong nakalaan ang isang araw sa kalendaryo. Nariyan din ang mga taong ang kabayanihan ay hindi naman kailangang ipahayag. Ang gurong patuloy na nagtuturo. Ang tatay na nakipagsapalaran sa ibang bansa upang masubukang hagkan ang buhay na hindi kayang ipagkaloob ng sariling bayan. Ang magulang na gumigising nang maaga upang may maihain sa hapag-kainan. Ang manggagawang umuuwi nang pagod ngunit muling babangon nang maaga kinabukasan matustusan lamang ang kinasanayang pamumuhay. Ang estudyanteng patuloy na pumapasok kahit walang pamasahe o pambili man lang ng uulamin sa tanghalian.
Wala silang monumento o pangalan sa kalsada, tulay, o lalawigan. Ngunit may mga buhay na naaabot ng kanilang ginagawa.
Tatlong taon na ang nakalipas mula nang isuot ko ang luntiang toga sa araw ng aking pagtatapos bilang HUMSS student. Ngayon, nasa ikatlong taon na ako sa kolehiyo, ngunit kapag nakikita ko ang litrato, parang bumabalik pa rin sa akin ang dating ako: isang estudyanteng maraming gustong malaman at mas maraming gustong itanong.
Hindi ko noon alam na ang pagiging humanista ay maaaring manatili sa iyo kahit kupas na ang pintura ng gusaling noong kayo pa ang gumagamit ay bagong pahid pa lamang. Na ang mga tanong na natutuhan mong itanong tungkol sa kasaysayan ay maaari mo ring itanong tungkol sa kasalukuyan. Na ang mga taong pinag-aaralan mo sa libro ay hindi lamang mga taong dapat alalahanin, kundi mga salamin na maaaring gamitin upang mas maunawaan ang mga taong nabubuhay kasama natin ngayon.
Kaya ngayong Araw ng mga Bayani, hindi ko na masyadong iniisip kung sino ang dapat ilagay sa pinakamataas na pedestal.
Mas interesado akong tumingin sa paligid.
Sa mga taong hindi natin tinatawag na bayani ngunit may mga buhay na kanilang pinagaan. Sa mga taong walang pangalan sa monumento ngunit may pangalan sa puso ng isang pamilya. Sa mga taong hindi kailanman magiging bahagi ng isang aklat ngunit, sa sarili nilang paraan, may naiiwan sa mundong kanilang ginagalawan.
At kapag ibinalik ko sa sarili ko ang tanong, simple lang ang sagot.
Hindi ako isang bayani.
Hindi ako Rizal. Hindi ako Bonifacio. Hindi ako isang pangalan na nakaukit sa bato o marmol sa mga pasilyo ng paaralan o sa pagpasok sa munisipyo malapit sa tagdan ng watawat. Isa lamang akong dating humanistang mag-aaral na ngayo'y nasa ikatlong taon ng kolehiyo, patuloy na natututo at, higit sa lahat, patuloy na nagtatanong.
Marahil, hindi ko kailangang maging bayani.
Baka sapat nang maging humanista: iyong marunong magtanong, marunong makinig, at marunong tumingin sa tao hindi lamang bilang pangalan sa isang kuwento, kundi bilang isang buhay na may sariling kuwento.
Kaya kapag muli kong binuksan ang lumang litrato ng binatang nakasuot ng luntiang toga, hindi ko na nakikita lamang ang isang batang nangangarap sa buhay.
Nakikita ko ang isang taong nagsisimula pa lamang matutong magtanong. At marahil, sa isang mundong puno ng mga kasagutan, iyon ang isa sa pinakamahalagang bagay na maaari kong dalhin sa hinaharap.
Hindi ako isang bayani.
Pero habang may mga hindi pa nasasagot, patuloy akong magtatanong.
Sa panulat ni: Errol Jade Malazo, Staff Writer
Sa paglalapat nina: Jerica Joyce Funelas (Layout Artist) at Nikko Lagco (Graphic Artist)