
26/09/2025
DALAWA ARESTADO KABILANG ANG ISANG BARANGAY OFFICIAL SA BUYBUST OPERATION SA TAWI-TAWI AT LANAO DEL SUR
Arestado ang dalawang katao, kabilang ang isang opisyal ng barangay, habang tinatayang P306,000 halaga ng iligal na droga ang nasamsam sa magkahiwalay na anti-drug operations sa Tawi-Tawi at Lanao del Sur, nitong Setyembre 23 at 24, 2025.
Sa ulat nitong Huwebes ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, naaresto si “Wads,” 43-anyos, konsehal ng Barangay Tangngah, Tandubas, Tawi-Tawi, sa isang buy-bust operation pasado alas-4 ng hapon nitong Miyerkules.
Nakuha mula sa kanya ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 20 gramo at nagkakahalaga ng P136,000, kasama ang drug paraphernalia, cellphone, ID, pitaka at buy-bust money.
Nakabilang umano si Wads sa regional target list ng PDEA at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, kinilala ni Police Brigadier General Jaysen De Guzman ng PRO-BARMM ang isa pang suspek na si “Jover,” na naaresto sa East Kilikili, Wao, Lanao del Sur nitong Martes.
Nasamsam mula sa kanya ang 25 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P170,000.
Detenido na ngayon si Jover sa Wao Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.