20/09/2026
LOOK | IMBESTIGASYON NG NBI SA MADUGONG INSIDENTE SA COTABATO CITY, SINUSUPORTAHAN NG OPAPRU AT GOVERNMENT PEACE PANEL
Sinusuportahan ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) at Government Peace Implementing Panel (GPIP) ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng madugong insidente sa Cotabato City bago ang unang Bangsamoro Parliamentary Elections.
Naganap ang pamamaril sa harap ng Datu Usman Mampen Elementary School, Barangay Bagua 2, Cotabato City, noong gabi ng Setyembre 13. Ayon sa mga ulat ng mga awtoridad, tatlong katao ang nasawi at 15 ang nasugatan sa naturang insidente.
Ayon sa mga paunang imbestigasyon, nagkaroon muna ng komosyon at pagtatalo sa pagitan ng mga grupong naghihintay sa lugar bago nauwi sa pamamaril. Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang buong pangyayari at kung sinu-sino ang responsable.
Nauna ring nanawagan ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP) sa NBI na imbestigahan ang mga election-related violence at iba pang iniulat na insidente sa BARMM noong halalan.
Layunin ng imbestigasyon na matukoy ang mga responsable at maitatag ang buong pangyayari batay sa ebidensya. Binibigyang-diin din ang kahalagahan ng isang malaya, patas at evidence-based na imbestigasyon upang matiyak ang pananagutan at hustisya para sa mga biktima at kanilang pamilya.
Photos courtesy via MINDANAO EXPOSE NEWS
AL-SUARA NEWSPAPER
REPORTING BY DOKS M. SANDIGAN