19/08/2025
“We Also Are Asking Damages in the Amount of ₱1 Million for Each Girl” – BINI Nagsampa ng Kaso Laban sa Gumawa ng Spliced Video na Nagdulot ng Matinding Online Bashing
Nagsampa ng kasong kriminal ang P-pop girl group na BINI laban sa isang indibidwal na umano’y nag-upload ng spliced video na nagdulot ng matinding pambabatikos at pangha-harass laban sa kanila sa social media.
Ayon kay Atty. Joji Alonso, isinampa ang reklamo sa Hall of Justice ng Sta. Rosa, Laguna dahil dito raw ginawa ang pag-upload ng naturang video. Ang kaso ay isinailalim sa Section 4(b) ng Cybercrime Prevention Act of 2012 kasabay ng unjust vexation sa ilalim ng Article 287 ng Revised Penal Code.
“This is not a libel case,” paliwanag ni Alonso. “We filed a cybercrime case under section 4(b) of Republic Act 10175… in conjunction with unjust vexation.”
Ipinunto ng abugado na ang orihinal na video, na umabot ng 20 hanggang 25 minuto, ay mula sa YouTube channel na People Vs Food kung saan sinubukan at nirate ng BINI ang iba’t ibang pagkaing kalye gaya ng kwek-kwek, isaw, betamax, balut at iba pa. Gayunpaman, ang spliced version ay pinaikli sa dalawang minuto at puro negatibong reaksyon lamang ng mga miyembro ang ipinakita, na lubos na nag-iba sa tunay na daloy ng palabas.
Dahil dito, nag-ugat ang matinding online bashing, pati na ang mga personal na pang-iinsulto at pagbabanta laban sa walong miyembro. Ayon kay Alonso, labis na naapektuhan ang kanilang mental at emotional state dahil sa insidente.
“BINI is now taking the stance to stop this kind of online bullying… It must be remembered that freedom to post online is not an absolute right, and must be accompanied by truth, accountability and responsibility,” giit ng abugado.
Dagdag pa ni Alonso, mabigat ang parusang kakaharapin ng respondent sakaling mapatunayang nagkasala:
“Penalty here is not that small ha. It’s prision mayor, which is imprisonment of six years and a day to twelve years. And on top of that I’d just like to add, we also are asking damages in the amount of 1 Million (pesos) for each girl,” sabi ni Alonso.
Kung mapapaboran ang kaso, maaaring makulong ang respondent ng anim na taon at isang araw hanggang labindalawang taon (prision mayor) at bukod pa rito, humihingi ang grupo ng ₱1 milyon na danyos para sa bawat miyembro.
Binubuo ang BINI nina Jhoanna, Aiah, Stacey, Mikha, Maloi, Sheena, Gwen, at Colet na kilala sa kanilang mga hit songs na “Pantropiko,” “Salamin, Salamin,” at “Cherry on Top.”