09/06/2026
Panalangin para sa mga Biktima ng Lindol sa Mindanao
Panginoong Diyos, Amang mapagmahal at makapangyarihan,
Lumalapit kami sa Iyo ngayon na may mabigat na puso, para ipagkatiwala sa Iyong awa ang lahat ng naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao lalo na sa aming mga kababayan sa General Santos City at sa mga kalapit na lugar.
Ipinagdarasal namin ang mga namatayan ng mahal sa buhay. Bigyan Mo po sila ng lakas ng loob at kapanatagan sa gitna ng matinding pagdadalamhati. Yakapin Mo po sila ng Iyong pag-ibig upang gumaan ang bigat ng kanilang kalungkutan.
Para naman sa mga nasaktan at nagdurusa bigyan Mo po sila ng mabilis na paggaling ng katawan at diwa. Ipagkaloob Mo po sa kanila ang agarang tulong medikal at pangangalagang kailangan nila.
Para sa mga nawalan ng tahanan, ari-arian, at kabuhayan Huwag Mo po silang hayaang mawalan ng pag-asa. Buksan Mo po ang mga puso ng kanilang kapwa upang magkaisa at mag-abot ng tulong. Maging kanilang kanlungan at pag-asa, at gabayan silang makabangon muli.
Pagpalain Mo rin po ang mga nagliligtas, mga boluntaryo, at mga namamahala bigyan Mo sila ng lakas, talino, at kaligtasan habang tumutulong sa kanilang kapwa.
Lahat ng ito ay aming idinadalangin sa pangalan ni Hesus, Aming Diyos at tagapagligtas.
Amen.