
30/07/2025
TAGKAWAYAN, QUEZON — Upang mapaghusay ang implementasyon ng Early Childhood Care and Development (ECCD) Program, idinaos noong Hulyo 15, 2025 ang “Pagtatalakay para sa Paghahanda sa Isasagawang Assessment and recognition of Child Development Centers and Teachers/Workers” sa Tagkawayan.
Ang programa ay naglalayong tulungan ang kahandaan ng mga Child Development Teachers, Workers, at mga lokal na opisyal upang matiyak ang holistic na pag-unlad ng mga bata. Ito ay isang mahalagang hakbang para sa pagbuo ng matibay na pundasyon tungo sa kinabukasan at tagumpay ng mga kabataan.
Kabilang sa mga kalahok sa naturang pagtitipon ang mga kapitan mula sa iba't ibang barangay ng Tagkawayan, bilang aktibong katuwang sa pagsasakatuparan ng mas epektibong ECCD program sa kanilang mga nasasakupan.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Municipal Social Welfare and Development Office sa pamumuno ni Bb. Rhea Rodriguez, kasama si G. Alex Villete bilang ECCD focal person.
Katuwang ng MSWDO ang Provincial Social Welfare Development Office, kinatawan ng nasabing tanggapan si Bb. Nancy M. Ilagan, Social Welfare Officer IV, na siyang nangasiwa sa masusing talakayan hinggil sa mga usapin tulad ng ECCD Assessment, Local Council for the Protection of Children (LCPC) Functionality, at Child-Friendly Local Governance Audit (CFLGA) Assessment.
Bilang suporta, dumalo rin sina Committee on Women and Children Vice Chairperson Kgg. Alexander A. Sandro at Kgg. Angelita Guban.