26/08/2025
Saan Ka Dinala ng Diploma Mo?
By Ako Si JUNO
Nasaan ka ngayon? Saan ka dinala ng diploma mo? Ng certificate mo? Madalas nating marinig na ang edukasyon ang susi sa tagumpay at hindi mali ang paniniwalang ‘yan. Pero sa totoo lang, hindi ito palaging sapat.
Sa tunay na takbo ng buhay, hindi lahat ng matatalino ay umaasenso. Hindi lahat ng may mataas na grado o honors ay umaabot sa tugatog ng tagumpay. At higit sa lahat, hindi rin ibig sabihin na kapag hindi ka nagtapos, ay wala ka nang pag-asa. Marami sa atin ang natuto ng pinakamahalagang aral hindi sa loob ng classroom, kundi sa labas sa mismong buhay.
Ang diploma ay isang malaking tulong, oo. Pero hindi ito garantiya ng marangyang kinabukasan. Sa labas ng paaralan, wala nang multiple choice. Walang essay na may guide questions.
Ang tunay na tanong sa buhay ay:
Paano ka babangon sa gitna ng sabay-sabay na problema?
Paano ka lalaban kahit pagod ka na?
Paano ka kikilos kahit wala kang kasiguraduhan kung may magandang kapalit ang lahat ng sakripisyo mo?
Hindi madali. Pero ito ang reyalidad.
Kaya kung isa ka sa mga hindi nakatapos, o feeling mo’y nahuhuli ka sa takbo ng buhay huwag mong maliitin ang sarili mo.
Dahil ang tagumpay ay hindi lang para sa mga may diploma. Sa huli, hindi grado ang magdadala sa'yo sa taas.
Ang tunay na puhunan ay Abilidad, Diskarte at Tapang.
Kung meron ka niyan, may laban ka.
At minsan, ‘yan lang talaga ang kailangan para makaahon, makabangon, at makamit ang tagumpay na akala mong imposible.
Ikaw, nasaan ka ngayon?
At anong hakbang ang gagawin mo bukas?