04/09/2025
Ang Tunay na May-ari ng Republika
“Remember, you are the Filipino people…” ito ang paalala ni Miriam Defensor Santiago. At ngayon, higit kailanman, kailangan natin itong balik balikan. Sapagkat sa gitna ng mga binahang bayan at winasak na tahanan, natabunan na naman ng putik at tubig hindi lamang ang mga lansangan kundi ang mismong dangal ng ating Republika.
Sa etimolohiya, ang salitang res publica mula sa Latin ang ugat ng “Republic” nangangahulugang ang bagay na pag aari ng lahat. Hindi ito dapat saklawin ng iilang pamilya, contractors, at pulitiko na ginagawang parang pribadong negosyo ang kaban ng bayan. Ang bawat flood control project na overpriced, ghost, o paulit ulit na pinondohan ay isang tahasang paglapastangan sa mismong kahulugan ng republika. Ang pondo ng mamamayan ay nilulunod sa bulsa ng iilan, habang ang bayan ay literal na lumulubog sa baha.
Samantala, ang demokratia mula sa Griyego ay nangangahulugang kapangyarihan ng taumbayan. Ngunit anong uri ng demokrasya ang mayroon tayo kung ang halalan ay binibili ng mga contractor na nagdo donate ng milyon milyon sa mga kandidato at kapalit nito ay bilyong halaga ng flood control projects na may anomalya. Ang demokrasya ay nagiging cratia ng iilan, hindi demos ng lahat. Ang boto ng mamamayan ay nalulunod din, hindi ng tubig ulan, kundi ng salaping ipinapasok ng mga dinastiya at negosyanteng protektado.
Sa kasaysayan, paulit ulit na tayong binalot ng baha mula sa delubyo ng panahon ni Noah hanggang sa Ondoy, Ulysses, at mga bagyong kumikitil ng buhay. Ngunit higit na nakamamatay kaysa baha ay ang paulit ulit na siklo ng katiwalian. Hindi tubig ang tunay na nagpapalubog sa bansa kundi ang katiwalian na bumabara sa ating daluyan ng pag asa. Kung walang magnanakaw sa flood control funds, matagal na sanang mas ligtas ang ating mga pamayanan. Ngunit heto’t bawat taon nauulit ang parehong trahedya dahil ang pera ay tumutulo, hindi sa estero kundi sa bulsa.
Ang republika at demokrasya ay hindi dapat maging mga salita lamang sa Constitution. Ang ibig sabihin nito ay malinaw: ang gobyerno ay hindi teritoryo ng mga nakaupo kundi pag aari ng mga tao. Hindi sila ang soberano kundi tayo. Ang tunay na tanong: hanggang kailan natin hahayaang ang Republika ng Pilipinas ay maging Republika ng mga Contractor. Hanggang kailan natin tatahakin ang demokratikong proseso na binibili, nilalapastangan, at nilulunod ng kasakiman.
Kung tunay tayong mga mamamayan ng Republika dapat tayong manindigan tigilan na ang dinastiya, tigilan ang padrino, tigilan ang pekeng proyekto. Sapagkat sa huli gaya ng sinabi ni Miriam hindi sila sa Malacañang, Senado, o Kongreso ang Republika, tayo ang Republika ng Pilipinas. At kung hindi tayo kikilos, ang ating katahimikan ang magiging pinakamalaking baha na tuluyang lulunod sa ating bayan. Kaya huwag tayong titigil, huwag nating hayaang mamatay ang isyung ito, dahil kapag ito’y namatay, tayo mismo ang mamamatay.
—
Ang donasyon mo ang nagbibigay lakas para manatiling malaya at palaban ang Nutribun Republic. Hindi kami hawak ng politiko o contractor — kaya bawat tulong mo, diretso laban sa korapsyon at fake news.
Kung gusto mong sumama sa laban, andito ang detalye: https://www.facebook.com/share/p/1HQBjBJa6r/?mibextid=wwXIfr