02/10/2025
Matapos isagawa ang malaking demonstrasyon laban sa korapsyon noong Setyembre 21, pormal nang inilunsad ng multi-sectoral group ang Trillion Peso March Movement sa makasaysayang Club Filipino sa San Juan City noong Miyerkules, Oktubre 1, para hindi lamang ipagpatuloy ang adbokasiya laban sa korapsiyon bagkus ay matiyak na mapapanagot ang mga nasa likod ng katiwalian.
Kabilang sa mga convenors ang Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan (ANIM) na pinangungunahan ng mga retired at active officers ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na nagsusulong ng reporma laban sa katiwalian sa gobyerno.
Sa isang press conference, sinabi ni Bishop Jose Colin Bagaforo ng Diocese of Kidapawan at pangulo ng Caritas Philippines, na nagpasya silang gawing isang pormal na organization ang kanilang ginawang prayer rally na nananawagan ng patas at malalimang imbestigasyon sa naungkat na multi-bilyong pisong anomalya sa mga flood control projects.
“We, the conveners and leaders of this Trillion Peso March Movement, declare that corruption is the root of poverty, inequality, and injustice in the Philippines,” sabi ni Bagaforo.
Naglatag ang Trillion Peso March Movement ng mga aktibidad sa susunod na dalawang buwan para sa isasagawang “moral protest” sa iba’t ibang lugar sa bansa hanggang sa culmination event sa Nobyembre 30, kasabay ng ika-162 anibersaryo ng kapanganakan ni Andres Bonifacio, ang itinuturing na “Ama ng Rebolusyon sa Pilipinas.”
Kabilang sa kanilang mga protest activities ay ang serye ng anti-corruption demonstration, pagsusuot ng white ribbon, lingguhang misa sa mga simbahan, pagninilay, candle lighting at noise barrage.
Umapela ang mga organizers sa publiko na magsuot o maglagay ng mga white ribbon sa kanilang sasakyan, paaralan, tahanan, at iba pang lugar upang iparamdam ang kanilang determinasyon na panagutin ang mga magnanakaw sa gobyerno.