02/05/2026
ππππππ πππ
πππ ππππππππ I Krudo, dugo, at pag-ibig ng isang ama
Sa pagdilat ng aking mga mata, ikaw agad ang hanap-hanap. Tila ba'y hindi kompleto ang araw kapag kayong dalawa ni inay ay hindi makita. Kayo ang aking umaga, ang aking dahilan kung bakit ako'y bumabangon.
Ngunit habang akoβy nasa loob ng bahay, nariyan ka sa labas, sa ilalim ng tirik na araw na parang apoy na walang awa, kapiling ang pawis na tumutulo na animo'y dugo sa mga sugat na hindi naghihilom.
Nariyan ka, kasama ang kapwa mong jeepney driver, naghihintay ng pasahero na tila ba'y mga asong naghihintay ng buto.
Sa pagmamaneho, ika'y maingat sapagkat hindi lamang kaligtasan ng mga pasahero ang iyong dala-dala; dala mo na rin ang kinabukasan naming magkakapatid na nag-aaral, at ang bigat ng responsibilidad mo bilang haligi ng tahanan.
Sikat ng araw, trapik, at usok ng mga sasakyan ang iyong kalabanβ umaga hanggang gabing pagkayod para lamang may maiuwi sa pamilya. Dati, sapat pa. Ngayon, nasa β±200 - β±500 na lang kung susuwertehin, habang ang diesel ay parang gobyernong buwaya na walang kabusugan at nilalamon ang kanilang kita.
Tila ba'y pinupulot lang ang salapi sa kalsada.
Ang mortal na katawan? Pagod. Puyat. Hapong-hapo na. Tulad ng jeep na tagpi-tagpi na ang sahig at umuubo na ang tambutso. Hindi na mawari kung paano nila papasanin lahat ng bigat na ito.
Tulad ng jeep na bawat arangkada, mas mahal ang gatong. Kumakain nang kumakain ang makina, pero ang hulog sa bayong ay ganoon pa rin. Habang umiinit ang manibela sa kakahawak, lumalamig naman ang kita sa bawat pasada. Walang layo ang nararating, bagkus puro ikot lang sa pagod at pagkatalo.
Ito'y bunga ng mga puro matatamis na pangakong tila'y ibinulong sa hangin, walang plano, at hindi kwalipikadong gobyernong bulag at bingi.
Ito'y hindi lamang problema ng mga tsuper. Ito'y problema nating lahat. At kapag nahihirapan na ang mga tsuper, damay kaming mga estudyante, manggagawa, negosyo, at ang buong komunidad.
Ang pasakit nila ay nagiging pasakit ng buong bayan.
Kasi kung magbibingi-bingihan pa tayo sa kalbaryo ng kalsada, walang jeep na uusad paabante. At habang walang nagbabago, bawat pasada lalong bumibigat sa balikat ng tsuper... hanggang isang araw, hindi na kayang kumambyo pa.
Posibleng tumirik ang jeep, kumapos ang hininga, mapundi pati ang headlight sa gitna ng dilim. Pero ang pagmamahal ng tsuper sa mga anak niya? Iyon ang hindi mauupos kahit kailan, gaano man kalubak ang kalsada.
Kay daling maubos ng krudo, ng lakas, at maging ang liwanag, ngunit hindi ang pagmamahal ng isang ama.
βJoel Ganancial
Pubmat by Kyla Danica Bantayan
βInform. Instill. Inspire.β