
13/04/2025
PNP TOURIST COP, NASAGIP ANG NALULUNOD NA MANGINGISDA SA CEBU
Isang tourist police ng Philippine National Police (PNP) ang hinangaan sa ipinamalas na tapang at mabilis na aksyon matapos nitong iligtas ang isang mangingisdang nalulunod sa karagatan ng Brgy. Maravilla, Tabuelan, Cebu noong March 18.
Base sa ulat, si Police Staff Sergeant Junrey Terana ng Cebu Police Provincial Office (CPPO), kasama si PSSg Reenah Marie Lumbab, ay nagsasagawa ng regular na shoreline patrol nang lapitan sila ng mga residente tungkol sa isang mangingisdang nahirapang lumangoy matapos tumaob ang kanilang bangka.
Agad na rumesponde si PSSg Terana at hindi nagdalawang-isip na lumangoy at sinalubong ang malalakas na alon para sagipin ang biktima. Matapos nito, agad siyang nagbigay ng paunang lunas habang hinihintay ang pagdating ng ambulansya.
“Ito ang ibig sabihin ng tunay na serbisyo na may puso,” pahayag ni PNP Chief Police General Rommel Francisco D. Marbil. “Ipinakita ni PSSg Terana ang katapangan at dedikasyon na dapat taglayin ng bawat pulis — laging handang magsakripisyo para sa kapwa. Ang ganitong kabayanihan ay paalala sa atin na walang hangganan ang serbisyo publiko, lalo na kung buhay ang nakataya.”
Binigyang-diin din ni Gen. Marbil ang kahalagahan ng pagiging alerto at handa, lalo na ngayong summer season kung saan marami ang nagtutungo sa mga beach at karagatan.
“Sa lahat ng nag-e-enjoy ngayong tag-init, pakiusap namin — unahin ang kaligtasan,” ani ng Chief PNP. “Magsuot ng life vest, alamin ang lagay ng panahon, at huwag mahiyang lumapit sa aming mga pulis kung kailangan ng tulong. Laging handa ang PNP na magserbisyo.”
Pinuri rin ni Gen. Marbil ang Tourist Police Unit sa kanilang dedikasyon na mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa mga coastal areas, at higit sa lahat, sa kanilang mabilis na pagtugon sa mga insidente.
“Ngayong summer, mag-enjoy tayo nang may pag-iingat at magtulungan sa pagbabantay sa isa’t isa,” dagdag pa niya. “Tunay na karangalan para sa PNP ang magkaroon ng mga pulis na gaya ni PSSg Terana — bayani, may malasakit, at tapat sa tungkulin.
"Patuloy na nagpapaalala ang PNP sa publiko na laging handang maghatid ng serbisyo ang ating kapulisan. Huwag mag-atubiling lumapit sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya, o tumawag sa kanilang mga hotline numbers, lalo na sa oras ng pangangailangan."