
04/09/2025
SICA, Pinagbuklod ng Wikang Filipino sa Makulay na Buwan ng Wika
Nagtipon-tipon ang mga mag-aaral ng St. Ignatius de Loyola Cognition Academy (SICA) mula Grade 4 hanggang Grade 10 upang ipagdiwang ang Buwan ng Wika noong Agosto 29, 2025. Sa temang “Filipino at Katutubong Wika: Iisang Tinig sa Pagtataguyod ng Talino at Pagkakaisang Ignatian”, naging tampok ang iba’t ibang pagtatanghal na nagbigay-diin sa kahalagahan ng sariling wika at kultura.
Pinangunahan ng mga estudyante ang parada ng katutubong kasuotan na nagbigay-kulay sa simula ng programa. Sinundan ito ng mga natatanging pagtatanghal tulad ng interpretatibong pagbasa ng mga mag-aaral mula Grade 4–6 at malikhaing spoken poetry ng mga piling mag-aaral mula Grade 7–8. Nagkaroon din ng mga intermission number na nagpatunay sa husay ng mga kabataang Ignatian sa musika at sining. Hinding-hindi rin nawawala ang Pista sa Nayon na kung saan ang bawat klase ay nagbahagi ng pagkaing pinoy at mga kakanin.
Sa hapon, muling nagpasiklab ang programa sa pamamagitan ng iba’t ibang pagtatanghal gaya ng sabayang pagbigkas na sinalihan ng mga mag-aaral mula sa Ikalima at Ikaanim na Baitang, muli ring nagpakitang gilas ang mga nagkampeon sa deklamasyon, talumpati at likhAwit na ginanap noong ika 28 ng Agosto 2025. Siyempre hinding-hindi rin mawawala ang mga katutubong sayaw na nilahukan naman ng mga mag-aaral mula Grade 7-10, tulad ng Pasigin, Cariñosa, Singkil, at Banga Dance.
Bilang pagkilala, iginawad din ang mga parangal sa mga nagwagi sa iba’t ibang patimpalak at sa mga napiling may Natatanging Kasuotan mula sa bawat pangkat ng baitang.
Higit pa sa kasiyahan at paligsahan, nagsilbing paalala ang pagdiriwang na ito na ang wikang Filipino ay hindi lamang daluyan ng komunikasyon, kundi sagisag ng ating pagkakaisa at pagkakakilanlan bilang Pilipino.