14/02/2026
Saksak puso, luha ay dugo
ni Bea Kryztel Velasco
Masarap magmahal subalit kasabay nito ang sakit sa pagtanggap na darating ang panahon na ang mga pusong pinagtapo, kinakailangan na ang isa ay tuluyang lumayo.
“Ibabalik kita nang buong-buo, pangako 'yon sa'yo. Sayo lang ang puso ko. Kahit kainin mo.” mula sa kantang “Pag-Ibig ay Kanibalismo” ng Fitterkarma ay tila isang taimtim na panunumpang handang magpaubos hanggang sa wala nang matira. Subalit sa mas malalim at mas masakit na interpretasyon, isa rin itong malagim na paalala: gaano man kadakila ang pag-aalay, gaano man kabuo ang ibinibigay mong sarili, kung ang minamahal ay hindi kayang magbago o tumbasan ang sakripisyo, ang lahat ng pagpapakasakit ay mauuwi lamang sa pagkapira-piraso ng sariling puso.
Tila isang parusang nakabalot sa panaginip ang magmahal nang lampas sa alapaap—isang ilusyon na kusa mong niyayakap kahit batid mong sa huli, ikaw rin ang magigising sa bangungot na dudurog sa dibdib mo. Isang pag-ibig na walang hinihintay na kapalit, sapagkat sa tindi ng damdamin, sapat nang katwiran ang mismong pag-ibig upang magtiis at magpakasakit.
Para bang bawat tibok ng puso ay isang taimtim na panalangin—na hanggang sa huling hininga, ang kaayusan mo ang aking ipaglalaban, kahit ang maging kabayaran ay ang tuluyang pagkalugmok at paghimlay ng aking pagkatao. Lamunin man ng pighati, wasakin man ng pasakit, at ubusin ng sariling pagdurusa—masilayan ka lamang na buo at masaya, pipiliin kong ikubli ang lahat ng sugat sa aking dibdib.
"Sapagkat sa pag-ibig na ito na kanilang tinatawag na dakila, handa akong maging abo—kung ikaw ang apoy na unti-unting tutupok at lilipol sa akin." ani ni Anon.
May mga sandaling nagagawa nating ibuhos ang buong pagmamahal sa iba, kahit kapalit nito’y unti-unti nating naitatabi ang sarili nating halaga—ang pahinga na dapat sana’y para sa atin, ang mga pangarap na minsang malinaw, at ang katahimikan ng isip na dati’y buo. Sa kabila ng lahat, pinipili mo pa ring kumapit sa pag-asa, umaasang darating ang araw na ang bawat pagod, bawat luha, at bawat isinakripisyo mo para sa taong mahal mo ay magkakaroon din ng kabuluhan.
“Ginawa ko ang lahat para sa kaniya. Ibinuhos ko ang bawat patak ng pagmamahal na sa palagay ko’y nararapat sa kaniya, umaasang sa ganitong paraan ay mabubuo ko siyang muli. Bawat pagtitiis, bawat kirot, bawat pagdududa sa sarili kong halaga—isinantabi ko alang-alang sa kaniya, maipadama lamang ang aruga at pag-aarugang inaakala kong kinakailangan niya.” garalgal ang tinig at nangingilid ang luha sa mga matang wikang dagdag niya.
Sumisikip ang paligid sa bigat ng damdaming minsan niyang inialay nang buong-buo. Isang pag-ibig na isinugal niya ang lahat, ngunit sa huli’y hindi piniling pahalagahan—kaya’t ang lahat ng kanyang pagdurusa ay tila nauwi sa kawalan, wari’y mga sakripisyong nilamon ng katahimikan at iniwang walang kabuluhan.
Isang pag-ibig na minsang nagbigay-sigla at lakas sa iyong buong pagkatao, ay maaari ring maging sanhi ng unti-unting pagguho nito. Ang taong inakala mong tunay na nagmamahal sa’yo ng wagas, ang taong sa kanya mo inialay ang lahat, ay minsang nagdulot ng pighati, kawalan ng kapanatagan, at pagdududa sa sariling halaga. Ang puso at isip na minsang buo at maliwanag, ay maaaring malugmok at maulila sa katiyakan, dala ng sakit at pagkabigo.
Ito ang mapait na katotohanan ng buhay: hindi lahat ng dumarating sa ating mundo ay nananatili. Ang mga tao, gaya ng agos ng ilog, ay dumarating at umaalis—nag-iiwan ng marka, minsan sugat, minsan aral. “People come and go,” wika nga ng marami. Ngunit sa kabila ng paglisan, ang ilan sa kanila ay nagiging instrumento ng paglago, nagtutulak sa atin na mas kilalanin ang ating sarili, mas patibayin ang loob, at mas maunawaan ang tunay na halaga ng pagmamahal at sakripisyo. Sa bawat pag-ibig na dumarating at lumilisan, may kaakibat na pagkakataon para sa pagbabago at mas malalim na pag-unawa sa ating sariling pagkatao.
✍️ Bea Kryztel Velasco
🖼️ Sharmelle Shane Napay