23/10/2025
Senator Allan Peter Cayetano, hinimok ang DPWH na unahin ang pagtugis sa mga “ghost projects”
Hinimok ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na gawing pangunahing prayoridad ang pagsugpo sa mga ghost projects — mga proyektong binayaran pero hindi naman talaga naipatayo.
“Ang ibig sabihin ng ghost project, may nilaan at binayad na pondo pero wala namang totoong proyekto. Mas madali itong tutukan kasi malinaw na may anomalya,” paliwanag ni Cayetano sa pagdinig ng DPWH budget noong Oktubre 20.
Sinabi niya kay DPWH Secretary Vivencio Dizon na dapat maging “two-fold” ang misyon ng ahensya — magpatayo ng mga imprastraktura at sabay linisin ang katiwalian sa loob ng kagawaran.
“Hindi sapat na umiwas lang sa korapsyon. Dapat nakaayon din ang mga gawain sa pangunahing layunin ng administrasyon,” dagdag ng senador.
Binanggit ni Cayetano na kailangang unahin muna ng DPWH ang mga kasong kitang-kita ang korapsyon tulad ng ghost projects.
“Sang-ayon ka ba na unahin natin ‘yung mga obvious na may problema? ‘Yun ang low-hanging fruit,” tanong niya kay Dizon.
Sumang-ayon naman si Dizon at sinabing uunahin ng DPWH ang mga hakbang para sa accountability at hindi palalagpasin ang iba pang iregularidad.
Ibinahagi ni Dizon na mahigit 400 pinaghihinalaang ghost projects na ang natukoy ng joint validation team. Dahil dito, hinimok ni Cayetano ang ahensya na agad kumilos.
“Basta malinaw ang ebidensya, dapat may aksyon agad. Puwede niyong ipadala sa Ombudsman o sa ICI [Independent Commission for Infrastructure]. Nasa inyo naman ang mga dokumento,” aniya.
Nagpanukala rin si Cayetano na maglagay ng simpleng sistema para mas madaling beripikahin ang mga proyekto.
“Puwede bang utusan niyo ang mga district engineer o mga local official na kunan ng larawan ang site? Para may quick reference,” mungkahi niya.
Giit ni Cayetano, dapat sabay gawin ang pagpapatayo ng mga proyekto at paglilinis sa korapsyon dahil matagal na itong sakit ng sistema.
“Ayokong rebolusyon ang mangyari, gusto ko revival — pagbabalik ng tiwala at disiplina. Kasi kahit baguhin mo ang mga patakaran, nag-a-adjust din ang mga tiwali. Kaya dapat mauna ang aksyon sa mga ghost projects,” pagtatapos niya.