22/09/2026
βLUPA SA MAGSASAKA, HINDI SA PAX SILICAβ
ππππππ | Mga progresibong grupo, nagprotesta sa Tarlac sa ika-54 anibersaryo ng Martial Law; proyektong Pax Silica, tinutulan
Bilang pag-alala sa masalimuot na nakaraan at paghiyaw sa pagbabago, nagtipon sa F. TaΓ±edo Street, Tarlac City ang mga progresibong grupo, akitibista, at residente at katutubo mula Capas, Tarlac para sa isang kilos-protesta kaugnay ng ika-54 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law sa bansa at upang ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno kahapon, September 21.
Kasama ang Kabataang Tarlakenyo para sa Bayan (KTB), Kabataan ng Gitnang Luzon (KGL), at AMBALA, sinimulan ang protesta sa mga pahayag na nagpaalala sa mga inhustiya na dinanas ng mga Pilipino noong panahon ng Batas Militar sa ilalim ng rehimeng Marcos Sr..
Kabilang din sa mga usaping tinalakay ang planong pagtatayo ng data hub na Pax Silica ng Estados Unidos sa New Clark City, Capas, Tarlac na mariing tinutulan, lalo na ng mga residente at katutubong maapektuhan nito.
βNandito po kami ngayon lumalaban dahil hindi po kami pumapayag. Malaking kawalan po sa aming kalikasan ang kanilang proyekto,β pahayag ni Tatay Nelson, isang katutubo mula Capas na dumalo sa protesta.
Giit pa niya, paano na lang ang mga magsasaka sa mga lugar na maaapektuhan kung itatayo ang Pax Silica.
βHindi naman pag-unlad kundi maraming mahihirapan. Dahil sa aming lupa ay kabundukan at sa kalikasan, maraming maapektuhan. Kami po ay hindi pumapayag at lumalaban dahil hindi lang po kami at mga magsasaka [ang madadamay],β ani Tatay Nelson.
βKami po ay sama-samang kumikilos upang maipahayag sa gobyerno na huwag pong gawin sa amin iyon dahil ginagalang po namin sila. dapat matuto silang gumalang sa aming mga katutubo,β dagdag pa niya.
Kasunod nito, nagmartsa ang raliyista patungo sa tapat ng Downtown Market, kung saan nagbigay ng pahayag ang mga biktima ng Martial Law, mga kasamahang katutubo, at ang mga estudyante-aktibista.
Sa pagpapatuloy ng protesta, naramdaman ang presensya ng kapulisan at ilang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakabantay sa kahabaan ng daan.
Sa kabila nito, hindi natinag ang mga raliyista at pansin ang paglakas ng kanilang sound system habang isinisigaw ang mga panawagan ng taumbayan.
βHindi na bago ang barikada sa mga lansangan upang harangan ang mga raliyista,β saad ni John Mc Miel Guerero, isa sa mga estudyante-aktibista mula Tarlac Satate University (TSU), sa isang panayam.
Panawagan niya sa mga iskolar ng bayan na pagsilbihan ang taumbayan. βI-exercise natin ang ating academic freedom. Pag-aralan ang lipunan. Through rallies, sa pakikilahok sa mga ganitong programa ay masusuklian natin βyung hirap na ginagawa ng mga nagbabayad ng buwis.β
βSa mga kabataan na gustong sumali sa mga ganitong programa ay huwag kayong matakot na makibaka dahil ito ay karapatan natin bilang Pilipino,β dagdag pa niya.
Bukod sa Tarlac, nagkasa rin ng kaparehong kilos ang ibaβt ibang progresibong grupo at kabataan sa ibaβt ibang parte ng bansa bilang pag-alala sa Martial Law at upang tutulan ang lumalalang pasismo.
____________
Ulat at kuha ni Vincent Jayne Pallasigui