31/05/2025
𝐁𝐀𝐋𝐈𝐓𝐀 | Bagong halal na opisyales ng TSU, nanumpa sa Oath-taking Ceremony
Nagtipon ang mga bagong talagang opisyales ng Tarlac State University (TSU) Supreme Student Council, College Student Council, at Laboratory School Supreme Student Government upang manumpa sa Oath-taking Ceremony ngayong araw, ika-31 ng Mayo, sa College of Business and Accountancy (CBA) Academic Building, Lucinda Campus.
Sa pangunguna ng TSU - Committee on Student Elections (TSU-COMSELEC), itinalaga na ang mga nagsiwagi sa eleksiyon ng unibersidad ngayong taon.
Naghayag ng makahulugang mensahe ang Vice-chairperson ng TSU-COMSELEC, Alexandra Nicole Lacanlale bilang bating-panimula sa seremonyas.
Sinundan agad ito ng pagtatalaga at panunumpa ng tungkulin ng mga bagong opisyales ng TSU Supreme Student Council, Laboratory School Supreme Student Government, at mga College Student Councils.
Nagbigay din ng mensahe si Dr. Arnold E. Velasco, presidente ng unibersidad, para sa mga opisyales ng panuruang-taong 2025-2026. Isinaad niya ang 5Cs ng isang estudyanteng lider— "communication, commitment, compassionate, consistency, at camaraderie".
Isa ring nagbigay-leksyon si President Maria Angelica Fresnido, TSU Supreme Student Council President taong 2024-2025, kung saan inilahad niya ang kanyang 3Ts: tikas, tindig, at talino.
Bilang bagong halal na presidente ng TSU Supreme Student Council, ibinigay na ni Brixter L. Millo ang kanyang kauna-unahang opisyal na mensahe sa seremonyas.
Naglantad din ng mensahe si Lance Navarro, Screening Officer ng TSU-COMSELEC, bilang pagbating-panapos ng pagtitipon ngayon.
Sa panayam kasama ang bagong halal na presidente ng Laboratory School na si Johnny Ree Afante, agad nang sisimulan ng kanyang konseho ang kanilang mga plano para sa susunod na akademikong-taon.
"Ang plano namin for LS, babaguhin namin ang toxic culture dito dahil nakita naman natin na very toxic ang environment [dito] at nakikita nila na ang posisyon [namin] ay dapat kinakatakutan. Pero dapat, sa totoo lang, ang posisyon naming mga officers ay nakikinig kami sa mga estudyante at magiging open kami sa kanila." saad nito.
Dagdag niya pa rito, isa rin sa kanilang plano ang ipagtibay ang pagiging bukas ng konseho para sa lahat at patuloy na maging gabay para sa mga estudyante.
| Balita ni: Diana Valencia
| Inilapat ni: Noah Pascua