27/09/2025
Sa pulitika, madalas marinig: “Lamang sa numero ang puhunan.” Totoo ito, pero higit na mahalaga kung paano ginagamit ang bilang na iyon.
Sa ika-9 na Sangguniang Panlungsod na pinamunuan ni Bise Alkalde Aro Mendoza at ng kanyang mayoryang alyado, ginamit ang numero para sa interes, hindi para sa bayan. Halimbawa, inipit ang supplemental budget ni Mayor Cristy Angeles noong Abril 2024 at naaprubahan lang makalipas ang walong buwan. Gayundin, ang 2025 Annual Budget na ipinadala pa noong Oktubre 2024 ay pinapirmahan lamang tatlong araw bago siya bumaba sa puwesto. Bunga nito, naapektuhan ang mga serbisyo at proyekto—at ang mamamayan ang pinasan ng parusa.
Ang palusot: pagdududa sa korapsyon. Ngunit paano magiging makatwiran ang paratang kung ang parehong mayor ay nagmana ng syudad na baon sa utang na P600 milyon, negatibong cash flow, at habol ng suppliers, ngunit nagawang makabangon at makapagtabi ng ipon? Kung susuriin, malinaw na politika, hindi katarungan, ang ugat ng delay—para pahinain ang dating mayor at ang kanyang pamilya laban sa kalaban nilang gobernador.
Sa ika-10 sanggunian na pinamunuan ni Bise Alkalde KT Angeles, ibang larawan ang ipinakita. Sa kabila ng kanilang mayorya, inaprubahan nila ang parehong 2025 Annual Budget na tinutulan noon. Maaari sanang gantihan, pero mas pinili nilang unahin ang kapakanan ng taumbayan. Gayundin, sa isang kasong administratibo laban sa barangay kapitan, ginamit nila ang mayorya para pairalin ang katarungan, hindi ang pamulitika.
Maliwanag dito: ang numero ay hindi dapat maging lisensya sa panggigipit. Ito ay dapat magsilbing kasangkapan para sa matalinong desisyon at makatarungang pamamahala.
Aral: Hindi nasusukat sa dami ng kakampi ang tunay na liderato, kundi kung paano ginagamit ang kapangyarihan. Ang ika-9 na sanggunian ginamit ang numero para humadlang; ang ika-10, ginamit ang numero para magpatuloy ang serbisyo.
Hamon ngayon sa mga pinuno: huwag hayaang maulit ang nakaraan. Gamitin ang mayorya para sa katarungan at kabutihan, hindi para sa kapritso. Ang mga numero ay maaaring maging sandata ng pang-aapi, pero maaari rin itong maging tagapaghatid ng pagbabago—at nakatingin ang taong-bayan kung paano ito gagamitin.