07/09/2026
𝐏𝐀𝐍𝐈𝐓𝐈𝐊𝐀𝐍 | Isa Akong Dayuhan sa Sarili Kong Katawan
Kapag tumitingin ako sa salamin, hindi ko makilala ang nakatingin sa akin. Parehong buhok, katawan, at mukha—ngunit mala-impostor ang astang ginagawa. Minsan mabait, minsan masungit. Minsan, sobrang positibo mag-isip sa buhay—madalas naman ay nega at nalulunod sa sariling lumbay. Nakakainis. Ang gulo. Ang daming bersyon ng ako. Mga bersyon na nagpupumilit sumabay sa ikot ng mundo.
Gabi-gabing ginagambala ang isipan ng mga tanong na hindi ko mabigyan ng kasagutan…
Ano nga ba ako? Sino nga ba talaga ako?
Sino nga ba ako kung wala ang mga medalyang nakasabit sa aking leeg, kasama ng mga sertipikong nagpapatunay ng aking mumunting talino?
Sino nga ba ako kung buburahin ang mga bakas ng dibuhong sining na tinatawag nilang kay galing?
Sino nga ba ako kung mawawala ang mga palakpak na nagbibigay-lakas sa akin tuwing ako’y nanghihina na?
Sino nga ba ako kung tatastasin ang aninong ibinurda ng aking mga minahal at pinagpaubaya?
Sabi nila, ang isang tao, buhay man o pumanaw na, ay isang mosaiko ng mga taong kaniyang minahal sa buong istorya ng buhay niya. Ngunit paano kung ang mga pirasong iyon ay hindi naman sa akin? May bahagi roon na dala-dala ang pangarap ng aking magulang, may parte na iniwan ng mga taong aking nakasama, at may mga pirasong hiniram ko pansamantala para lang masabing mayroong ako.
Kaya pala madalas akong napapagod. Hindi dahil sa mga aralin o sa bigat na dala ng araw-araw, kundi dahil sa dami ng katauhang kailangan kong dalhin bago humarap sa mundo. Isang bersyon para sa paaralan, isang bersyon para sa magulang, isang bersyon para sa mga kaibigan—pero nasaan ang bersyon kong pansarili?
______
Panitikan ni Greciel Pingol
Dibuho ni Katherine Blanco