23/09/2025
𝗛𝗮𝗿𝗮𝘀𝘀𝗺𝗲𝗻𝘁, 𝗰𝗵𝗲𝗰𝗸𝗽𝗼𝗶𝗻𝘁𝘀, 𝗮𝘁 𝗽𝗮𝗻𝗮𝗻𝗮𝗸𝗼𝘁 𝘀𝗶𝗻𝗮𝗹𝘂𝗯𝗼𝗻𝗴 𝗻𝗴 𝗿𝗲𝗵𝗶𝗺𝗲𝗻𝗴 𝗠𝗮𝗿𝗰𝗼𝘀 𝗝𝗿., 𝗻𝗴𝘂𝗻𝗶𝘁 𝗻𝗮𝗴𝗽𝗮𝘁𝘂𝗹𝗼𝘆 𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗿𝗼𝘁𝗲𝘀𝘁𝗮 𝘀𝗮 𝗣𝗹𝗮𝘇𝗮 𝗠𝗶𝗿𝗮𝗻𝗱𝗮, 𝗔𝗻𝗴𝗲𝗹𝗲𝘀 𝗖𝗶𝘁𝘆
Nag-alab ang galit ng mamamayan sa Gitnang Luzon nitong Setyembre 21, ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar. Daan-daang magsasaka, mangingisda, manggagawa, kababaihan, kabataan, taong simbahan, at iba pang sektor ang dumagsa sa Plaza Miranda, Angeles City, bitbit ang sigaw: “Wasakin ang korapsyon at pasismo, singilin ang mga mamamatay-tao at mandarambong!”
𝗡𝗮𝘂𝗻𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗣𝗮𝗴𝗸𝗶𝗹𝗼𝘀, 𝗦𝘂𝗺𝗶𝗸𝗹𝗮𝗯 𝘀𝗮 𝗥𝗲𝗵𝗶𝘆𝗼𝗻
Bago pa ang Setyembre 21, nag-alab na ang protesta sa Gitnang Luzon laban sa pandarambong at pasismo. Nag-walkout ang mga kabataan sa Bulacan, Pampanga, at Tarlac; nagmartsa-protesta ang mga kabataan sa Malolos, Angeles, at Tarlac City; naglunsad ng multisectoral na pagkilos laban sa korapsyon sa San Fernando, Pampanga; at nagtipon ang mga magsasaka sa CLSU para talakayin ang kalagayan ng palay.
Ang araw ng anibersaryo ng Batas Militar ang naging kasukdulan ng mga sigaw na ito, pinagbuklod sa isang nag-aalab na protesta.
𝗣𝗮𝗻𝗮𝗻𝗮𝗸𝗼𝘁 𝗮𝘁 𝗛𝗮𝗿𝗮𝘀𝘀𝗺𝗲𝗻𝘁 𝗛𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗡𝗮𝗸𝗮𝗽𝗶𝗴𝗶𝗹
Ayon sa Karapatan Central Luzon, sinubukan ng estado na hadlangan ang paglahok ng mamamayan sa iba’t ibang probinsya.
Sa Hacienda Luisita, tinakot at ni-red-tag ang mga lider ng AMBALA. Sa Zambales, hinarang at kinotongan ng Highway Patrol ang mga mangingisdang lalahok sa kilos-protesta. Sa Pampanga, kinapkapan ang mga manggagawa at kinumpiska ang mga plakard nila. Sa Angeles City mismo, umikot ang service ng pulis na may nakasabit na tarp na nagsasabing “No Permit, No Rally” ilang oras bago magmartsa ang mga raliyista.
Hindi rin nakaligtas ang mismong programa: higit 180 pulis ang, armado at may metal shield ang ipinuwesto sa paligid, habang ipinamahagi ang mga polyetong may paninira na “No to Terrorism”, na malinaw na pagtatangkang iugnay ang karapatan sa kalayaan sa pagtitipon at kalayaan sa pamamahayag bilang gawaing terorismo.
Ngunit sa halip na umatras, lalo pang nag-apoy ang determinasyon ng mamamayan. “Bawat harang ay patunay ng desperasyon ng estado,” giit ni Eco Dangla, tagapagsalita ng BAYAN Gitnang Luson.
𝗣𝗮𝗻𝗶𝗻𝗶𝗻𝗴𝗶𝗹 𝘀𝗮 𝗣𝗮𝘀𝗶𝘀𝗺𝗼 𝗮𝘁 𝗞𝗼𝗿𝗮𝗽𝘀𝘆𝗼𝗻
Itinampok sa programa ang malalang rekord ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng kasalukuyang rehimen: 9 na ang dinukot, hindi pa rin natatagpuan sina Ma. Elena Pampoza, Elgene Mungcal, Norman Ortiz, at Lee Sudario; mahigit isang daan na ang inaaresto sa gawa-gawang kas; at 39 ang sinampahan sa ilalim ng Anti-Terror Law at Terror Financing Law.
Kasabay nito, binatikos ng mga grupo ang garapalang korapsyon, gaya ng iskemang flood control na itinuturing nilang “bantayog ng pandarambong”—bilyon-bilyong pondo ang nilustay habang lugmok sa kahirapan at sakuna ang taumbayan.
𝗠𝗲𝗻𝗱𝗶𝗼𝗹𝗮: 𝗗𝘂𝗴𝗼 𝗮𝘁 𝗞𝗮𝗿𝗮𝗵𝗮𝘀𝗮𝗻
Habang nag-aalab ang Central Luzon, umalingawngaw din ang karahasan sa Maynila. Sa Mendiola, umabot na ng 216 ang inaresto sa mga nagprotesta, kalakhan ay mga kabataan, marami ang nasugatan, at isang kabataan pa ang nasawi sa pananaksak. Tinawag ito ng mga grupo bilang malinaw na patunay ng muling pagbabalik ng pasismo ng Batas Militar.
𝗛𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗠𝗮𝗽𝗶𝗽𝗶𝗴𝗶𝗹 𝗮𝗻𝗴 𝗟𝗮𝗯𝗮𝗻
Mula Gitnang Luzon hanggang Maynila, malinaw ang hatol ng lansangan: wawakasan ng taumbayan ang Martial Law sa bagong anyo. Hindi matatakot sa red-tagging, harassment, o karahasan.
“Mas matibay kaysa sa bala ang nagkakaisang tinig ng mamamayan,” giit ng mga progresibong grupo.
𝘼𝙣𝙜 𝙞𝙠𝙖-53 𝙖𝙣𝙞𝙗𝙚𝙧𝙨𝙖𝙧𝙮𝙤 𝙣𝙜 𝙈𝙖𝙧𝙩𝙞𝙖𝙡 𝙇𝙖𝙬 𝙖𝙮 𝙢𝙪𝙡𝙞𝙣𝙜 𝙣𝙖𝙜𝙥𝙖𝙩𝙪𝙣𝙖𝙮: 𝙝𝙞𝙣𝙙𝙞 𝙠𝙖𝙞𝙡𝙖𝙣𝙢𝙖𝙣 𝙢𝙖𝙜𝙖𝙜𝙖𝙥𝙞 𝙖𝙣𝙜 𝙣𝙖𝙜-𝙖𝙖𝙡𝙖𝙗 𝙣𝙖 𝙨𝙖𝙢𝙗𝙖𝙮𝙖𝙣𝙖𝙣. #