26/08/2025
Ano ba ang nararamdaman mo na bata ka palang puro graft and corruption na ang problema ng bansa at umabot ka na sa adulthood at yan pa rin ang issue? Ano ang pinaka-nangingibabaw na emosyon sa 'yo? Sadly, ang issue na ito mismo ang nag-dedemotivate sa iba upang magpursige, lumaban nang patas, at makipagsabayan sa laban nang walang inaapakan at ninanakawan.
Habang tayong maliliit na negosyante ay nagkakandakuba sa kakaprint, kakatahi, kakatabas ng papel (para lang may maibayad na buwis at maibahagi sa ekonomiya) naririnig mo na may mga opisyal na bumibili ng mga properties nila, mga sasakyan na mula pa sa ibang bansa na milyon-milyon ang halaga, na parang barya lang para sa kanila. Samantalang tayo, halos lumulunok ng bato sa tuwing uutang ng makinarya sa sobrang taas ng interes, umaasang balang araw ay lalago ang negosyong pinanday sa sariling dugo at pawis. 🧵✂️ Sa bawat dagdag na fees ng mga online platforms, ramdam mo ang panginginig ng dibdib: “Kakayanin ko pa ba?” lalo na’t kaagaw mo pa ang murang paninda ng mga banyaga na tila walang pagod at walang limitasyon ang resources.
Nakakapanlumo. Sapagkat sa halip na tulungan, suportahan, at protektahan ang maliliit na crafters at negosyanteng nais lamang suportahan ang sarili at pamilya, parang mas mas ibinabaon ang mga ito sa kumunoy na mahirap ahunan. Kung minsan pa nga'y inaabuso, tinatakot, at kinikikilan sa halip na turuan. Oo nga naman, sa kamangmangan at masalimuot na sistema,may puwang ang red tape at byurokrasya.
Madalas iba ang priorities ng ating pamahalaan. Trilyong halaga ng buwis saan napupunta matapos makolekta? Ang pondo laging sa semento at aspalto nakalaan. Mas madali nga naman kung sa kontrata ipapadaan. Sa totoo lang, malaki man o maliit ang negosyo mo sa bansang ito, sa isang malaking milking farm lang tayo nabibilang. Ang mas nakakawalang gana pa, ang inaasahan mong gobyerno na magbibigay ng kaunting ginhawa at ayuda para sa nagnenegosyong nasa laylayan, mas pinipiling i-prioritize ang mga sektor na maaaring maging pabigat pa sa ekonomiya.
Ikaw, ilang taon pa ba bago ka tuluyang mapagod? Ilang taon pa ba bago ka lamunin ng sistema? Habang hawak-hawak mo pa rin ang pangarap ng isang maginhawang buhay para sa pamilya mo, ramdam mo rin ang pait na tila ba wala kang kakampi sa sariling bayan.
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, may Isa tayong kakampi na hindi kailanman nang-iiwan. ✨ Ang Diyos na nakakita ang bawat patak ng pawis, bawat luha ng pagod, at bawat dasal na ibinubulong sa gabi. Siya ang nagbibigay ng lakas upang muling bumangon, ang nagsisilbing paalala na hindi nasasayang ang ating sakripisyo, kabutihan ng puso sa kabila ng kasamaan ng mundo, at pagiging matuwid sa gitna ng mga tukso. Siya lang ang makakapagbubukas ng pintuan sa tamang panahon. 🙏
Kaya’t kahit mahirap, kahit masakit, kahit nakakapagod - pinipili pa rin nating magtiwala at maging mabuti. Dahil alam natin, ang tunay na hustisya at biyaya ay hindi galing sa tao, kundi galing sa Panginoon. Ang laban ng maliliit ay hindi kailanman maliit sa paningin Niya. 🇵🇭