06/06/2025
Hunyo 6 | Ngayong araw na ito, noong taong 1899, pormal na inilipat ni Pangulong Emilio Aguinaldo ang kabisera ng Unang Republika ng Pilipinas sa bayan ng Bamban, Tarlac. Sa panahong ito, umiigting na ang labanan sa pagitan ng mga pwersa ng Pilipinas at ng Estados Unidos, kasunod ng pagsiklab ng Digmaang Pilipino-Amerikano noong Pebrero 4, 1899, sa Maynila. Ang paglipat sa Bamban ay bahagi ng serye ng estratehikong hakbang upang makaiwas sa mabilis na pagsulong ng puwersang Amerikano.
Bago nito, ang pamahalaang rebolusyonaryo ay sunod-sunod nang inilipat mula sa Malolos, Bulacanβang orihinal na kabisera ng unang republikaβpatungong San Isidro, Nueva Ecija (Marso 29), San Jose (Abril), at Cabanatuan (Mayo 9). Ngunit ang pagkakapaslang kay Heneral Antonio Luna noong Hunyo 5, 1899 sa Cabanatuan, sa araw ding umalis si Aguinaldo patungong Bamban, ay nagdulot ng krisis sa pamumuno ng militar.
Kinabukasan, Hunyo 6, ay nagpalabas si Aguinaldo ng opisyal na proklamasyon na siya na mismo ang tuwirang mamumuno sa lahat ng operasyong militar ng Republika mula sa kanyang bagong himpilan sa Bamban, na tinukoy bilang Punong-Himpilan ng Kapitan-Heneral ng Pilipinas. Ayon sa pananaliksik ni Dr. Lino L. Dizon ng Center for TarlaqueΓ±o Studies, Tarlac State University, hindi lamang ito pansamantalang himpilanβito ang naging kabisera ng rebolusyonaryong pamahalaan sa isa sa pinakamapanlikhang yugto ng digmaan.
Sa kanyang papel na "Bamban, Tarlac in 1899: A Crux of the Philippine Revolution", nilinaw ni Dizon na Bamban, at hindi ang bayan ng Tarlac, ang totoong tinukoy na kabisera sa proklamasyong iyon. Aniya, "Sa lahat ng pananaw, mula sa loob at labas, ang Bamban ang naging susi sa mahahalagang pangyayaring iyon sa ating kasaysayan." Ang pagpili ni Aguinaldo sa Bamban, sa halip na ipagpatuloy ang plano ni Luna na itayo ang kabisera sa Benguet para sa mas matibay na depensa, ay nagpakita ng bagong direksyon ng pamahalaan matapos ang trahedya sa Cabanatuan.
Sa panahong ito, naging mahalagang estratehikong punto ang Bamban Train Station, na ginamit ng parehong puwersang Pilipino at Amerikano para sa paggalaw ng mga tropa at suplay. Ang kahalagahan ng Bamban ay pinatotohanan din sa mga dokumentong militar ng mga Amerikano, kabilang ang mga tala ni Capt. John R.M. Taylor, na nagbanggit na si Aguinaldo mismo ang nagproklama ng Bamban bilang kabisera noong Hunyo 6, 1899.
Bagamat nanirahan si Aguinaldo sa Bahay Pamintuan sa karatig bayan ng Angeles, Pampanga, ang pook ng Bamban ang naging sentro ng pamumuno ng rebolusyonaryong pamahalaan sa gitna ng digmaan. Dito rin isinagawa ang paghahanda sa unang anibersaryo ng proklamasyon ng kasarinlan, na ipinagdiwang noong Hunyo 12, 1899.
Bilang pagkilala sa makasaysayang papel ng Bamban sa kasaysayan ng bansa, idineklara ng lokal na pamahalaan ang Hunyo 6 bilang βAraw ng Bambanβ sa bisa ng Ordinansa Blg. 1, Serye 1999. At noong Hulyo 4, 2024, naglagay ang National Historical Commission of the Philippines ng panandang pangkasaysayan sa dating munisipyo ng Bamban, na may nakasaad na:
βBamban: Landas ng Pagkabansang Pilipino, 1899.
Saksi ang pook na ito sa pagkabansa ng Pilipinas, ang kauna-unahang republika sa buong Asya.β
Sa kasaysayang madalas nakatuon sa mga kilalang lugar tulad ng Malolos o Kawit, ang Bamban ay nananatiling isang tahimik ngunit mahalagang saksi sa layunin ng mga Pilipino na maging tunay na malaya sa gitna ng digmaan at pagtataksil.
Basahin (Ang mga Kabisera ng Pilipinas): https://web.facebook.com/share/1CcWHs7Bhs/
Mga Sanggunian:
De la Cruz, C. (2024, Hulyo 15). βThe Surprising Role of Bamban, Tarlac in Philippine History.β Esquire Magazine. https://www.esquiremag.ph/long-reads/features/bamban-tarlac-in-philippine-history-a3690-20240715-lfrm
Project Vinta (2024, Hunyo 6). βKabisera sa Bamban.β https://web.facebook.com/share/16dmw9pEi7/
-G. Saysay π΅π
π·: Pambihirang Anghel π