30/05/2026
ISANG PANAWAGAN: Kalusugan ng Batang Pilipino, Unahin Natin!
Mapa clinic man o hospital kapag tatanungin ko ang mga nanay na may sanggol, “Mommy, nabakunahan na ba siya sa health center? Ano na mga nabigay sakanya doon?”
Ang laging sagot “Dok, bakit ganun wala parin daw ang polio at pneumonia sa health center, late na nga ang anak ko sa bakuna, hindi naman ako makapag private pedia para sa bakuna dahil nga sayang ang libre sa healthcenter”
Mostly ganyan ang lagi ko naiencounter na scenario…
Nakakalungkot
Nakakatakot
Nakakabahala
_______
Nais ko pong kumatok sa puso ng ating pamahalaan, partikular na sa DOH na sana ay bigyang-priyoridad at punan na ang matagal nang kakulangan ng mga libreng bakuna sa ating mga lokal na health center lalo na ang mga bakuna laban sa polio at pneumonia.
Matagal nang walang suplay, at ito po ay isang malaking banta sa kalusugan ng ating mga sanggol at maliliit na bata.
Bakit ito kailangang aksyunan AGAD?
👉🏼Proteksyon para sa Pinakamahihina:
Ang mga sanggol ay walang kalaban-laban sa mga sakit na pwedeng maiwasan naman sana kung may bakuna (vaccine-preventable diseases gaya ng polio at pulmonya). Ang polio ay nakakalumpo, at ang pneumonia ay nakamamatay.
👉🏼Para sa mga Pamilyang Isang Kahig, Isang Tuka:
Hindi lahat ng pamilyang Pilipino ay may kakayahang magbayad sa mga private clinic o private pediatrician para sa mamahaling bakuna.
Ang mga health center ang tanging takbuhan ng mga magulang na walang sapat na pera. Kung walang suplay doon, kawawa ang mga bata.
👉🏼Kalusugan Bago Politika:
Sa gitna ng mga maiinit na usaping politikal—mga bangayan, impeachment, at mga ingay sa Senado—sana naman po ay huwag nating makalimutan ang pinaka-basic na pangangailangan ng taumbayan: ang kalusugan.
Kahit ano pa ang kulay mo o ng ating politika, magkaisa tayo sa pagprotekta sa kalusugan ng batang Pilipino.
Ang sakit ay hindi namimili ng partido o kulay ng politika. Ang bawat araw na lumilipas na walang bakuna ang ating mga health center ay araw na itinataya natin ang buhay ng susunod na henerasyon.
Pakiusap po sa DOH at sa ating mga lider, i-prioritize po natin ang buhay at kinabukasan ng mga batang Pilipino.
Dr.Mitch V. Mendoza