10/02/2026
Ang tinatawag na “line of succession” o mga naka-linya ng paghalili ay ilang ulit nang naipatupad sa ating bansa. Noong Agosto 1, 1944, sa Estados Unidos, nang pumanaw si Pangulong Manuel L. Quezon dahil sa tuberculosis, ang Pangalawang Pangulong Sergio Osmeña ang humalili bilang Pangulo ng Commonwealth sa ilalim ng pamahalaang Amerikano.
Noong Abril 17, 1948, ang Pangalawang Pangulo Elpidio Quirino naman ang naging Pangulo matapos bawian ng buhay si Pangulong Manuel Roxas dahil sa atake sa puso. Sumunod naman dito, ang Pangalawang Pangulong si Carlos P. Garcia na humalili kay Pangulong Ramon Magsaysay nang bumagsak ang eroplanong sinasakyan at kinamatayan nito sa Cebu.
Isang malaking isyu ang lumitaw noong 1986 Snap Election. Ipinahayag ng Batasan Pambansa na si Ferdinand Marcos ang nanalo, ngunit nang lisanin niya ang Malacañang, may nagsabing dapat ay si Arturo Tolentino, ang kaniyang Pangalawang Pangulo ang dapat hahalili. Gayunpaman, dahil sa EDSA, si Cory Aquino ang nanumpa at kinilalang Pangulo ng bansa at nanguna sa bilangan ayon sa NAMFREL.
Muli namang nagamit ang line of succession noong Enero 20, 2001, nang manumpa ang Pangalawang Pangulong si Gloria Macapagal-Arroyo bilang Pangulo, kapalit ni Joseph Ejercito Estrada. Bagaman may ilan na kumuwestiyon sa pagiging konstitusyonal ng pangyayaring ito, kinilala rin ito kalaunan.
Mahalagang may agarang humalili sa pamumuno upang mapanatili ang katatagan ng bansa at hindi ito maagaw ng mga komunista o ibang puwersang maaaring makapagpabagsak sa Republika. Sa ilalim ng 1987 Konstitusyon, kung sakaling may mangyari sa Pangulo, ang Pangalawang Pangulo ang talaga ang awtomatikong papalit.
Ngunit kung sakaling may mangyari rin sa Pangalawang Pangulo, ang Pangulo ng Senado (Senate President) ang susunod sa linya. Kapag hindi rin makapanungkulan ng Pangulo ng Senado, ang Ispiker ng Mababang Kapulungan (Speaker of the House of Representatives) naman ang maaaring susunod. Ang mga hahaliling ito ay maaaring tawaging “Acting President” hanggang sa magsagawa ng pambansang-halalan para sa bagong Pangulo.
Ngunit paano kung sakali? Kung pati ang Ispiker ay hindi rin makapanungkulan o pumanaw, sino na ang susunod?
Balikan natin ang kasaysayan: noong Panahon ng Digmaan, nang parehong wala sina Manuel L. Quezon at Sergio Osmeña, si Jose Abad Santos, Punong Mahistrado ng Korte Suprema, ang dapat sanang hahalili bilang Pangulo ng Pilipinas. Subalit siya ay binitay ng mga Hapones matapos tumangging makipagtulungan sa kanila.
Dahil dito, sa ilalim ng 1943 National Assembly na itinatag ng mga Hapones, si Jose P. Laurel ang hinirang na Pangulo ng Republika ng Pilipinas sa ilalim ng kanilang gobyerno.
Posted: Admin 2