04/01/2026
41 kabataang lalaki nasawi sa tradisyunal na pagtutuli sa South Africa..
Umakyat na sa 41 kabataang lalaki ang nasawi matapos sumailalim sa tradisyunal na pagtutuli bilang bahagi ng initiation rites sa South Africa. Naitala ang mga insidente mula Nobyembre hanggang Disyembre 2025, kasabay ng tinatawag na summer initiation season sa bansa.
Ayon sa mga ulat ng international media, ang naturang ritwal ay taunang isinasagawa ng ilang etnikong grupo sa Africa tulad ng Xhosa, Ndebele, Sotho, at Venda, bilang simbolo ng paglipat ng kabataan sa hustong gulang.
Sinabi ni Traditional Affairs Minister Velenkosini Hlabisa na malaking salik sa mga pagkamatay ang kapabayaan ng ilang initiation schools at mga magulang, dahil sa hindi pagsunod sa mga itinakdang safety standards at medical guidelines. Ibinunyag din niya na may mga maling paniniwalang itinuturo sa mga kalahok, gaya ng pag-iwas sa pag-inom ng tubig upang umano’y mapabilis ang paggaling ng sugat—isang paniniwalang walang siyentipikong batayan at lubhang mapanganib.
Kinilala ang Eastern Cape bilang pangunahing lugar ng mga insidente, kung saan 21 pagkamatay ang naitala. Kaugnay nito, 41 indibidwal na ang naaresto, kabilang ang ilang magulang na nagsinungaling umano sa tunay na edad ng kanilang mga anak.
Sa tradisyong ito, dinadala ang mga kabataang lalaki sa initiation schools at pansamantalang inihihiwalay sa kanilang komunidad upang turuan ng mga kaugalian, disiplina, at responsibilidad ng pagiging adulto.
Pagkatapos ng ritwal, karaniwang ipinagdiriwang ang kanilang pagbabalik sa pamilya sa pamamagitan ng isang masayang seremonya.
Gayunman, sa kabila ng umiiral na mga batas na nagre-regulate sa initiation schools, patuloy pa rin ang mga trahedyang dulot ng delikadong pamamaraan ng tradisyunal na pagtutuli.