10/06/2025
Ang Mapait na Katotohanan ng Pagiging Education Graduate
Apat na taon kang nagsunog ng kilay. Paulit-ulit na hinasa sa lesson plan, sa demo teaching, sa field study habang sabay sinusuong ang kahirapan sa buhay. Marami sa atin ang produkto ng pangungutang ng mga magulang, pagiging working student, baon sa utang, at umaasang may magandang bukas sa dulo ng lahat ng sakripisyo.
Pagkatapos ng graduation… may dalawang landas kang pwedeng tahakin:
👉 Mag-review para sa board exam, o
👉 Magtrabaho agad para makatulong sa pamilya.
Pero alinman sa dalawa, hindi madali.
Kung pipiliin mong mag-review, handa ka bang gumastos ng libo-libo para balikan ang apat na taon mong inaral? Wala kang kasiguraduhan—basta tiwala ka lang na sana makapasa, sana mataas ang rating, sana madali ang exam.
Kung pipiliin mong magtrabaho agad, madalas sa pribadong paaralan ka unang tumutuloy. Pero hindi ito tulad ng inaakala ng iba.
Sweldong 7,000 pesos kada buwan,
pero kagaya na rin ang trabaho ng mga g**o sa pampublikong paaralan.
Mag-uuwi ng trabaho, magtuturo ng 6 na subjects, at minsan, pati materials ikaw pa ang bibili.
At kung pangarap mong maging g**o sa pampublikong paaralan?
Magpapasa ka ng papel taon-taon, dadaan sa interview, sa ranking, sa demo teaching. Pero kahit mataas ang score mo, minsan hindi pa rin sapat. Kasi minsan, swerte ang kalaban mo. Walang katiyakan, walang kasiguraduhan.
Ang pagiging g**o ay hindi lang trabaho. Isa itong sakripisyo.
Para sa maraming Education graduate, hindi lang ito karera—ito ang tanging pag-asa ng pamilya.
Kaya bago mo sabihing "madali lang maging teacher",
subukan mong damhin ang bigat ng mga mata naming laging puyat, ang lalim ng buntong-hininga naming walang kasiguraduhan sa kinabukasan, at ang tibok ng puso naming kahit pagod, ay patuloy na nagtuturo…
…Dahil kahit mapait ang daan,
may pag-asang naghihintay sa dulo—para sa amin, at para sa bawat batang nangangarap.