28/10/2025
Palalawakin ng Ateneo de Manila University (ADMU) ang presensya nito sa Timog Luzon sa pamamagitan ng pagtatayo ng bagong kampus sa General Trias, Cavite, katuwang ang GT Capital Holdings Inc.
Nilagdaan noong Oktubre 24 ang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Ateneo at GT Capital para sa 15-ektaryang lupain sa Riverpark, isang mixed-use township na binubuo ng Federal Land Inc., property subsidiary ng GT Capital.
Pinangunahan nina Fr. Roberto Yap, SJ, pangulo ng Ateneo, at Alfred Ty, vice chair ng GT Capital, ang pormal na pagpirma sa kasunduan sa GT Tower International sa Makati City.
Ayon kay Fr. Yap, ang bagong kampus ay magbibigay-daan upang mas maraming estudyante sa labas ng Metro Manila ang magkaroon ng access sa de-kalidad na edukasyong Jesuita.
“Ang bagong Ateneo campus sa Riverpark ay magpapalawak ng aming misyon at mag-aalok ng makabuluhang edukasyon sa mga pamilyang Caviteño at karatig-lalawigan,” pahayag niya.
Para naman kay Ty, ang presensya ng Ateneo sa Riverpark ay magpapalakas sa edukasyonal na sektor ng Cavite at mag-aambag sa pag-unlad ng lokal na komunidad.