01/05/2026
| Sa mga araw na papalapit sa pagtatapos, tila mas lumilinaw ang bigat at halaga ng bawat sandaling lumipas.
Hindi naging madali ang lahat.
May mga panahong kinailangan nating buhatin ang sarili kahit pagod na pagod na.
May mga gabing puno ng alinlangan kung kakayanin pa ba, kung aabot pa ba.
Ngunit sa kabila ng lahat, narito pa rin tayo.
Unti-unti nang nauubos ang mga araw na dati’y akala natin ay napakarami pa.
Kasabay nito ang mga sandaling nais sana nating patagalin—ang mga tawanang pumapawi sa bigat, ang pagod na may dalang ngiti, at ang mga taong naging tahanan sa gitna ng ating paglalakbay.
May lungkot sa pagtatapos, hindi ito maitatanggi.
Ngunit may kasabay itong tahimik na pananabik.
Pananabik sa kung ano ang naghihintay.
Sapagkat ang bawat wakas ay hindi lamang pagtatapos.
Ito rin ay panimula.
Isang hakbang tungo sa mga lugar na hindi pa natin nararating, sa mga sandaling hindi pa natin nararanasan, at sa mga pagkakataong huhubog pa sa kung sino tayo.
Maaaring hindi pa malinaw ang lahat.
Maaaring may takot pa rin.
Ngunit gaya ng dati, magpapatuloy tayo.
Sa nalalapit na pagtatapos, nawa’y matutunan nating lingunin ang nakaraan nang may pasasalamat at harapin ang hinaharap nang may tapang.
Sapagkat ang oras ay patuloy na umaagos, at sa bawat agos nito ay may panibagong simula na nalalapit.
-
Words by Jaja Villa
Art by Jenverly Bugaoisan