21/09/2025
EDITORYAL | Walang pinagkaiba sa kahapon
Isang bulok na sistematikong pamumuhay na ang maging isang Pilipino ngayon. Paulit-ulit lang. Taun-taon, sa huling apat na buwan, nakahanda ang taumbayan sa kalbaryong dala ng mga bagyo. Ngunit ngayong taon, hindi lamang ulan ang bubuhos sa kalsada.
Ngayong Setyembre 21, sa kalagitnaan ng banta ng Bagyong Nando, binaha ang ilang mga lugar sa bansa tulad ng Rizal’s Park sa Tuguegarao City, Luneta Park sa Maynila, at EDSA sa Quezon City.
Samantalang sa EDSA, dugo, pawis, at luha ng mga mamamayang manggagawa ang s’yang nagpatibay sa kalsadang ito; noong naipatupad ang batas militar sa pamumuno ng dating pangulong Ferdinand Marcos, Sr.,hanggang sa tuluyan itong winakasan ng dalawang milyong Pilipino noong 1986 sa People Power Revolution.
Limampu’t tatlong taon na ang lumipas nang lagdaan ni dating pangulong Marcos Sr. ang pagsasailalim ng Pilipinas sa batas militar o mas kilala bilang ‘Martial Law’, na kinalaunan ay naging isa sa mga pinakamarahas at pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa.
Sa tala ng Amnesty International, higit kumulang 70,000 ang nakulong, 34,000 ang biktima ng torture, 3,240 ang pinatay, at 398 ang mga dinakip sa ilalim ng batas militar. Pilitan ding ipinasara ang 392 na pahayagan – 82 na dyaryo, 11 na magasin, pitong istasyong pang-TV, at 292 na stasyong pang-radyo. Sa pagpapatalsik sa yumaong diktador, iniwanan pa nito ng $28.26 na bilyong utang ang bansa. Isang napakalaking halagang binabayaran pa rin ng bawat Pilipino hanggang ngayon.
Anim na taon matapos ang makasaysayang rebolusyon, walang hiyang bumalik ang mga Marcos sa pulitika. Sa kasalukuyan, sinusubukan nilang baguhin ang kasaysayan at pabanguin ang kanilang pangalan.Nagtagumpay sila at muling nanaig ang kanilang bersyon ng naratibo at sa ngayon nga’y Marcos ang nakaupo sa Malacañang. At sa mga kaganapan sa bansa ngayon, walang pinagkaiba ang kahapon.
Ayon sa Human Rights Watch, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., umabot ng 841 ang naging biktima ng extrajudicial killings. Tumaas rin umano ang bilang ng mga kaso ng political violence lalo na sa nakaraang eleksyon. Laganap pa rin ang red-tagging at paggamit ng awtoridad sa Anti-Terror Act madalas sa nasabing pagte-terror tag. Nananatili ring isa sa mga pinaka-delikadong bansa ang Pilipinas para sa mga mamamahayag.
Isang buwan na ang nakalipas mula nang yanigin ng mga naglitawang kinurakot na flood control project ang mga Pilipino. Rumagasa ang galit ng mga mamamayang ilang taon nang lumulusong sa mga baha. Sa bawat araw na lumilipas, unti-unting lumalabas ang mga pangalang sangkot sa iskandalo at sa bawat araw na lumilipas, lalo lang lumalakas ang sigaw ng mga taumbayan.
Tumataginting na mahigit 545.64 bilyong piso na ang nagastos di umano sa mahigit 9,885 na flood control projects ngunit lubog pa rin ang mga mamamayan,hindi lang tuwing may bagyo,kahit sa pabugso-bugsong ulan lamang. Pinagpyestahan na ng mga oportunista ang pondong ito habang patuloy na naghihirap ang mga Pilipino.
Walang pinagkaiba ang estado ng Pilipinas sa kamay ng naturang mag-ama. Kamakailan lamang nang sinabi ng pangulo na suportado niya ang mga raliyistang dudumog sa mga kalsada sa araw na ito. Ngunit, pareho ang sigaw ng mga taong dudulog sa nasabing rally sa alingawngaw at sigaw ng mga tao noong dekada ‘70 (sitenta). Walang siyang pagsisising ipinakita sa kapangahasan ng kanyang ama, bagkus patuloy na namumuhay sa mga nakaw na yaman nito.
Noong nakaraang SONA, pinuntirya ni pangulong Marcos Jr. ang mga opisyal na tumatanggap ng mga suhol sa mga proyekto. Nakagugulat na sa kanya mismo nanggaling ang pahayag na “Mahiya naman kayo.” samantalang sa parehong pamamaraan namuhay ang pamilya niya nang mahigit tatlong dekada noon.
Sa artikulong ‘Marcos Yen for Corruption,’ ni Masaki Yokoyama, detalyadong iniulat ang ‘yen loan scandal’ ng yumaong diktador kung saan nakakuha siya ng ‘kickback’ galing sa mga kompanyang Hapones mapa-kontraktor o supplier. Nagsimula ito nang magbigay ang Japan ng pondong nagsisilbing bayad-pinsala para sa Pilipinas.
Sa lahat ng imprastrakturang ipinatayo ni Marcos Sr. mula 1966 hanggang 1981, nakakakuha siya ng labinlimang posyento sa pondo nito kasama na dito ang San Juanico Bridge at ang isang “flood prevention project” sa Maynila. Sa tala ng Presidential Commission on Good Government, nakatanggap ang dating pangulo ng hindi bababa sa 47.7 milyong dolyar mula dito.
Hindi na dapat bago sa pangulo ang sistema ng korapsyon at panggagantso ngayon. Dahil kung tutuusin, isa ang pamilya niya sa mga dapat managot at singilin dahil sa dinami-dami ng nakaw nila mula sa nakaraang limang dekada.
Sa araw na ito, buhay ang mga multo ng mga Pilipinong yumao sa kamay ng ama ng pangulo, mga nasawi sa baha, mga na-aksidente sa tabi ng mga kalsadang bitak at lubak, at mga nangamatay sa mga sakit dahil sa bulok na sistemang pangkalusugan ng bansang ito.
Sana mabingi ang mga Marcos sa mga sigaw ng mga mamamayang pagod na bumyahe sa mga maputik o bahang daan, sa busina ng mga tsuper na patas magtrabaho at sa iyak ng matatandang kumakayod pa rin hanggang ngayon, mula pa dekada ‘70.
Hindi mga kalamidad ang sisira sa bansang ito kundi si Marcos at ang mga alipores niya sa gabinete, kasama na ang mga korap na negosyante at oligarko. Balang araw ay babagsak sila sa kamay ng mga mamamayan, mananaig ang katotohanan, at muling maiuukit ang maduming apelyido sa kasaysayan bilang isang taong pinatalsik muli ng bayan.
-
Disenyo ni Jericho G. Verzola