21/11/2025
DRUG DEN NI-RAID SA GONZAGA, ANIM KATAO NAARESTO
Dalawang magkatabing bahay sa Purok 3 Barangay Progressive nakuha ang anim na suspek habang nagsasagawa ng pot session.
Kasalukuyang “gumagamit” ang anim na itinago ng pulisya sa mga pangalang Andy, 27 anyos, Ronald, 49 anyos,Ryan, 26 anyos, Mark, 29 anyos, Jeric, 26 anyos at Vince, 42 anyos.
Inaplayan ng search warrant ng pulisya ang isinagawang operasyon. Naglabas naman ng S.W. si Aparri RTC Branch 6 Judge Neljoe Cortez. Nasamsam sa operasyon ang 13 na sachet na naglalaman ng nasa 3.2 grams na shabu na may market price na 21 thousand 760 pesos, tatlong
basyong sachet na may naiwang latak ng shabu, swako, isang digital weighing scale na ginagamit sa illegal drug trade ng dalawa sa mga suspek, mga aluminum foil, pitong lighter, dalawang kutsilyo at tatlong piraso ng forceps.
May nakuha din ang operating troops na isang unit ng kalibre 38 na baril na may tatlong bala, labing dalawang (12) bala ng kalibre 45, 4,200 pesos na cash, hiwalay na cash na aabot ng 11 thousand pesos mula sa pag-iingat ng suspek na si Jeric, tatlong unit ng android at IPhone at iba pang drug paraphernalia.
Dalawang barangay kagawad ng Progressive ang naging saksi sa imbentaryo at dokumentasyon sa mga nasamsam na ebidensiya sa anim na suspek.
Isinailalim sa drug test ang anim sa tanggapan ng PDEA Regional Office 2 sa Tuguegarao at kalaunan ibinalik sa Gonzaga Police Station kung saan sila pansamantalang nakakulong ngayon.
Mahaharap ang anim ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.