04/08/2025
| 𝐒𝐈𝐊𝐇𝐀𝐘: 𝐏𝐚𝐠𝐬𝐢𝐬𝐢𝐦𝐮𝐥𝐚 𝐧𝐠 𝐏𝐫𝐨𝐩𝐞𝐬𝐲𝐨𝐧𝐚𝐥 𝐧𝐚 𝐏𝐚𝐠𝐥𝐚𝐥𝐚𝐤𝐛𝐚𝐲
𝟔𝟕 𝐀𝐜𝐜𝐨𝐮𝐧𝐭𝐚𝐧𝐜𝐲 𝐢𝐧𝐭𝐞𝐫𝐧𝐬, 𝐩𝐨𝐫𝐦𝐚𝐥 𝐧𝐚𝐧𝐠 𝐧𝐚𝐤𝐚-𝐜𝐨𝐚𝐭 𝐚𝐭 𝐧𝐚𝐤𝐚-𝐩𝐢n
Isinulat ni Dharyll John Sejalbo
Katumbas ng pagpupursigi ang pagsisikap na makausad kasabay ng paglalayag patungo sa pangarap.
Opisyal nang naka-coat at nilagyan ng pin ang 67 fourth-year Bachelor of Science in Accountancy students, hudyat ng pagsisimula ng kanilang Professional Exposure Program (PEP) sa isinagawang 3rd Coating, Pinning, and Candle Lighting Ceremony ng Junior Philippine Institute of Accountants-USLT Chapter kaninang umaga.
Taunang selebrasyon ang okasyong ito mula sa departamento ng School of Accountancy, Business, and Hospitality, kasabay ang opisyal na pagpapangalan sa Batch 2026 bilang Batch Sikhay, isang simbolo ng pagpupursigi, pagsisikap, at patuloy na paglaban para sa pangarap na pormal itong ipinangalan ni Vice President for Academics, Dr. Luisa Aquino.
Bago pa man simulan ang pormal na seremonya, nagkaroon muna ng misa ng pasasalamat na pinangunahan ni Rev. Fr. John Mark Barroga, CICM. Binigyang-halaga niya ang dahilan kung bakit may taunang seremonya para sa mga BSAc students.
Ayon sa kanya, ito ay tanda ng kanilang pag-usad patungo sa tunay na mundo ng trabaho at pagbuo pa ng mahahalagang kasanayan.
Pormal ding ibinahagi ni Miss Marie Joyce Aggabao, CPA, MBA ang presentasyon ng 67 students na kabilang sa seremonyang ito.
Sinundan ito ng pambungad na mensahe mula sa Dean of the SABH, Dean Rizza Ramos. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng PEP at ipinaabot din ang pasasalamat sa mga magulang bilang patuloy na sumusuporta sa USLT at sa kanilang mga anak.
Matapos ang presentasyon, sinundan agad ito ng pagbibihis ng coat ng mga intern students. Gabay ng magulang ang isinagawang pagbibihis sa kanilang mga anak, isang tanda na sila ay kaagapay at kasama sa landas na tinatahak ng mga estudyante.
Dagdag pa rito, sila rin ang nagsilbing daan upang makarating sa yugtong ito ng kanilang paglalakbay.
Matapos masuot ang mga coat, pormal ding ikinabit sa mga intern students ang kanilang pins, simbolo ng pagkakakilanlan, hindi lamang sa sarili kundi pati na rin sa pagdadala ng core values ng institusyong kanilang kinabibilangan na pinanguhan nina VP Aquino at Dean Ramos.
Kasunod nito, isinagawa ang mahalagang bahagi ng seremonya,ang pagsisindi ng kandila, hudyat ng gabay sa tatahaking landas na pinangunahan muli ni VP Aquino ang pagsisindi ng mother candle.
Ipinagpatuloy ang pagsisindi ng kandila ng mga accounting instructors at ipinasa ang nagsilbing liwanag sa mga accounting students.
Bilang tanda ng kanilang pagtanggap sa propesyon, isinagawa rin ang oath ng mga interns na pinamunuan ni PEP Coordinator Dr. Rovelle Siazon. Layunin nitong bigyang-diin ang kahalagahan ng pagsunod sa mga ethical considerations, integridad, at paggawa ng tama.
Nag-iwan naman ng mahalagang mensahe si VP Aquino at binigyang-diin niya ang hirap ng pagpasok at pagtatapos sa kursong Accountancy.
Aniya, hindi biro ang makausad sa programa. Idinagdag niya ang isang hamon sa Batch Sikhay, ang target na 100% passing rate sa CPALE.
Ayon sa kanya, hindi ito imposible kung magtutulungan at susuportahan ng unibersidad ang bawat isa.
Hindi mabubuo ang seremonyang ito kung walang opisyal na pangalan ng batch. Pormal na pinangalanan ni VP Aquino ang pangkat na ito bilang Batch Sikhay na sumisimbolo sa walang sawang pagsusumikap, determinasyon, at sipag ng bawat Accountancy student sa pag-abot ng kanilang propesyonal na pangarap.
Samantala, bilang panapos na mensahe, binalikan ni Miss Joyce Aggabao, Accountancy Department Head, ang mga alaala at karanasan niya kasama ang Batch Sikhay.
Pinahalagahan di.niya ang paghihirap at pagsusumikap ng interns. Biro pa niya, ang batch na ito ang isa sa mga pinakamatitibay, makukulit, at palaban at higit sa lahat, hindi tumitigil hangga’t hindi nakakamit ang kanilang nais.
Ayon sa kanya, positibong katangian ito dahil nagpapakita ito ng dedikasyon ng mga estudyanteng may layuning tuparin ang kanilang pangarap. Pinasalamatan din ni Miss Aggabao ang mga magulang, accounting instructors, at ang institusyon sa pagsuporta at paggabay sa mga estudyanteng walang sawang lumalaban.
Pagbati, Batch Sikhay! Tandaan, walang mahirap sa batang may pangarap.
---
Photos by Llouissa De Peralta and Louis Garaffa
Photo layout by Jericho Dela Cruz.