14/04/2022
Karon nga abril, ginahinumdum naton ang isa ka karumal-dumal nga pang hitabo sa history sang Tulunan nga kon sa diin, ini amo ang pagpatay kay Padre Tullio Favali, PIME.
[Trigger Warning: Murder]
Noong Abril 11, 1985, pinaslang ng mga lider ng grupong Ilaga si Padre Tullio Favali, isang Italyanong misyonero sa Tulunan, Hilagang Cotabato. Ang pagpatay kay Favali ay nagbunsod ng panawagan mula sa pamunuan ng Simbahang Katolika sa Pilipinas at sa Roma upang imbestigahan ang mga pang-aabuso laban sa mga relihiyosong biktima ng paglabag sa mga karapatang pantao.
Tubong Mantua sa bansang Italya, si Favali ay umanib sa Pontifical Institute for Foreign Missions (Pontificium Institutum pro Missionibus Exteris o PIME), isang kapisanan ng mga paring sekular at mga Katolikong layko na nagmimisyon sa iba't ibang mga bansa. Itinalaga siya bilang misyonero sa La Esperanza, isang sityo sa bayan ng Tulunan. Sa nasabing lugar ay talamak ang pagkilos ng mga paramilitary groups na nagkukubli bilang mga lokal na samahang panrelihiyon na karamihan ay walang pagkilala ng mga organisadong simbahan. Dahil armado, kinasangkapan sila ng diktadura at ng militar upang tumugis sa mga pinaghihinalaang mga rebeldeng komunista at Moro. Isa sa mga pangkat na ito ang mga Ilaga na pinamumunuan ng magkapatid na Norberto, Edelberto, at Elpidio Manero, na kilala sa paghahasik ng takot sa mga komunidad sa Hilagang Cotabato.
Isang umaga, habang nag-iinuman ang pangkat nina Manero, ay ipinaskil nila ang isang diumano ay talaan ng mga pinaghihinalaang rebelde. Nabatid ng isang residente, isang sastre sa komunidad na iyon, na ang kanyang pangalan ay nasa listahan. Nagtungo siya sa umpukang kinaroroonan ng mga Ilaga at tinanong kung bakit kabilang ang kanyang pangalan sa listahan. Ikinagalit ito ng magkakapatid na Manero at nagpaputok sila ng kanilang baril.
Sa takot ay nagtakbuhan ang mga tao at karamihan sa kanila ay nagtipon sa bahay ng sastre. Nang mabatid ni Padre Favali ang insidente ay agad siyang nagtungo sa nasabing bahay dala ang kanyang motorsiklo. Habang nasa loob ng bahay si Favali ay dumating sina Manero at sinilaban ni Norberto ang nakaparadang motorsiklo ng pari. Nang kumprontahin sila ni Favali, bumunot si Edelberto ng baril at pinaputukan sa ulo ang pari. Nang bumagsak si Favali sa lupa, hindi pa nakuntento ang mga ito at pinagsisipa nila ang bangkay nito at muling pinaputukan sa ulo. Bago umalis ay ipinangalat pa nina Manero ang nagkadurog-durog na bahagi ng utak at bungo ni Padre Favali bilang banta sa mga residente.
Dahil sa karumal-dumal na krimen at dahil na rin sa panawagan ng mga opisyal ng Simbahang Katoliko, ipinaaresto ang magkakapatid na Manero at kalaunan, sila ay nahatulan ng habambuhay na pagkakabilanggo. Noong 1999 ay ginawaran ni Pangulong Joseph Estrada si Norberto ng pardon subalit dahil sa matinding negatibong reaksyon mula sa publiko, binawi ito at muling siyang ibinilanggo. Pinalaya sina Edilberto at Elpidio noong 2003, habang si Norberto naman ay pinalaya noong 2008.