07/10/2025
Dolor, May DOKUMENTADONG BWELTA: Datos ng PSA, SINALAG ang 'Maling Akusa' ni Bokal Buenaventura Hinggil sa Kahirapan ng Mindoro.
"Ang poverty incidence, dati 35%, Ngayon 14% na lang"
CALAPAN CITY, ORIENTAL MINDORO– Tiyak na mapupunta sa mainit na debate ang isyu ng kahirapan sa Oriental Mindoro matapos salagin at pabulaanan ni Gobernador Humerlito "Bonz" Dolor ang mga pahayag ni Bokal Manny Buenaventura na lumalala ang poverty incidence sa probinsya sa mga nagdaang taon.
Naging sentro ng kontrobersiya ang obserbasyon ni Bokal Buenaventura sa isang pagdinig, kung saan sinabi niya: "Hindi ko pa po na-discuss sa SP but I've noticed from the time I joined the Sangguniang Panlalawigan that over over the years, siguro for the last three to five years, the poverty incidence in Oriental Mindoro has has, you know, deteriorated. Mataas ang poverty incidence natin sa Oriental Mindoro."
Ngunit agad itong sinagot ni Governor Dolor, tinawag na "malaking pagkakamali" ang akusasyon at ipinrisinta ang opisyal na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) upang patunayang bumaba ang antas ng kahirapan, taliwas sa pahayag ng Bokal.
"Sinabi niyo kanina, pinalalabas niyo, the past five years pataas nang pataas ang poverty incidence? Eh ito ang facts oh," mariing hamon ni Dolor, kasabay ng pagbanggit sa mga nakaraang datos:
2006: Umabot sa 33.5% ng populasyon ang mahirap, na aniya ay "all time high."
2015: Bumaba ito sa 15.3% bago siya maupo.
Sa ilalim ng kanyang termino: Naitala ang poverty incidence na 7.3%, 12.8%, at 14.1%.
"Sasabihin niyo bokal, napakahirap natin, 14%. Eh dati 35%," diin ng Gobernador.
Tahasang iginiit ni Dolor na kung pagbabatayan ang kasaysayan, mas mataas ang bilang ng mahihirap noong panahon ng "mga boss" ni Buenaventura, lalo na noong 2006 at 2009. Aniya, kahit pa tumaas ang huling datos (14.1%), ito ay sanhi ng mga pambansang krisis tulad ng COVID-19 at sunod-sunod na bagyo, mga kaganapang wala noong administrasyon ng mga kakampi ni Buenaventura.
"Nung bang sila ang gobernador, may COVID? Nawala 'yung economics? Walang ayuda? Nung panahon ng mga boss niyo, 'nun mahirap ang tao. Tapos ngayon niyo isisisi sa akin," pagtatapos ni Dolor, na nagpapahiwatig na pulitika at hindi tunay na datos ang nagtutulak sa akusasyon ni Buenaventura.