13/04/2025
Juan 19:25-27
25 Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid nitong babae, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, “Ginang, narito ang iyong anak!” 27 At sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay ang ina ni Jesus.
Lucas 23:33
33 Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Jesus sa krus. Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kaliwa.
Mateo 27:33-56
33 Dumating sila sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang kahulugan ay “Pook ng Bungo.” 34 Binigyan nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman niya iyon ay hindi niya ininom.
35 Nang maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian ng mga kawal ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan, 36 naupo sila at siya'y binantayan. 37 Inilagay nila sa kanyang ulunan ang paratang laban sa kanya na may nakasulat na ganito, “Ito'y si Jesus na Hari ng mga Judio.” 38 At may dalawang magnanakaw na ipinako rin sa krus, isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa.
39 Kinukutya siya ng mga nagdaraan. Pailing-iling nilang 40 sinasabi, “Di ba't ikaw ang gigiba ng Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumabâ ka sa krus!”
41 Kinutya rin siya ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan.[a] Sinabi nila, 42 “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya mailigtas ang sarili! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumabâ lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya! 43 Nananalig siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Tingnan natin kung ililigtas siya ng Diyos!”
44 Nilait din siya ng mga magnanakaw na ipinakong kasama niya.
Ang Pagkamatay ni Jesus
45 Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. 46 Nang mag-aalas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eli, Eli, lema sabachthani?” na ang ibig sabihi'y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
47 Ito'y narinig ng ilan sa mga nakatayo roon kaya't sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” 48 May isang tumakbo kaagad at kumuha ng espongha, binasâ ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus.
49 Sinabi naman ng iba, “Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!”
50 Muling sumigaw si Jesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga.
51 Biglang nahati ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa at nabiyak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan at muling nabuhay ang maraming banal na namatay. 53 Lumabas sila ng libingan, at pagkatapos na muling mabuhay si Jesus, sila'y pumasok sa banal na lungsod at doo'y marami ang nakakita sa kanila.
54 Nasindak ang opisyal at ang mga kawal na nagbabantay kay Jesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. Sabi nila, “Tunay na siya'y Anak ng Diyos!”
55 Naroon din ang maraming mga babaing nakatanaw mula sa malayo. Sila'y sumunod kay Jesus mula pa sa Galilea, at naglingkod sa kanya. 56 Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at ni Jose, at ang asawa ni Zebedeo.
April 17/18 at 8PM Here Our KPS Channel 12 Live..
God in the Special Bible by... Déñ Vér Dyriel Cayanan speak.. On live talk See u.