01/07/2025
Ang Hinaing ng Misis, Hindi Laging Arte
Madalas, kapag ang isang misis ay naglalabas ng sama ng loob, mabilis siyang mabansagan na .nag-iinarte, masyadong madrama, ohhindi marunong makuntento..Pero ang totoo, sa likod ng bawat hinaing ay isang pusong pagod, damdaming sugatan, at isang katauhang matagal nang hindi pinakikinggan.
Hindi laging simpleng tampo lang kapag sinabi niyang pagod na siya. Baka hindi lang iyon dahil sa gawaing bahay o sa trabaho. Baka pagod na rin siyang maghintay ng kaunting konsiderasyon, ng “kumusta ka?” o kahit simpleng pasasalamat. Baka hindi lang siya naghahanap ng tulong sa mga gawaing bahay, kundi ng katuwang sa buhay.
Kapag ang isang misis ay tahimik na, huwag mong isipin na ayos lang siya. Maaaring napagod na lang siyang magsalita. Maaaring sa bawat sigaw niya noon na tila paulit-ulit, ay may hinanakit na hindi maipaliwanag dahil hindi lang ito tungkol sa labahan, lutuin, o mga bata. Minsan, ito’y sigaw ng isang damdaming nakakalimutang pahalagahan.
Tandaan: Ang bawat misis ay tao rin. May damdamin. May pangarap. May karapatang mapagod, mapansin, at maramdaman na mahalaga siya. Hindi siya robot na programmed para lang magsilbi. Hindi siya laruan na puwedeng i-ignore kapag ayaw na natin sa sinasabi niya.
Kung ang hinaing niya ay parang “arte” sa paningin mo, baka kailangang buksan mo pa ang puso mo. Baka kailangan mong tanungin ang sarili mo: “Kailan ko ba siya huling pinakinggan nang totoo? Kailan ko siya huling niyakap at pinasalamatan?”
Huwag hintaying mawala siya para ma-realize mong hindi pala siya nag-iinarte kundi matagal ka nang hindi naging katuwang niya sa laban ng buhay.
Pakiramdaman. Pakinggan. Mahalin. Huwag maliitin ang hinaing, dahil baka iyon na ang huling lakas na kaya pa niyang ibigay.