28/03/2024
𝐀𝐆𝐇𝐀𝐌 𝐀𝐓 𝐓𝐄𝐊𝐍𝐎𝐋𝐎𝐇𝐈𝐘𝐀 | Lumulubong kaso ng Pertussis sa Pilipinas, ikinababahala ng DOH, agarang solusyon ang kailangan
“It’s coughing season…”— oppss may ubo ka na rin ba? Baka pertussis na yan!
Apat na taon simula nang umusbong ang pandemyang dulot ng Covid, muling nababahala ang Kagawaran ng Kalusugan (DOH) sa panibagong sakit na kumakalat ngayon sa Pilipinas.
Malaking takot ang idinudulot ngayon ng Pertussis o mas kilala sa tawag na “whooping cough” at “the cough of 100 days”— tinutukoy bilang isang respiratory illness— na may lumulubong kaso ngayon sa kalakhang bahagi ng Luzon at may pailan-ilan nang naiuulat sa mga probinsya sa Kabisayaan.
Pangunahing puntirya ng nasabing sakit ang mga kabataan, kabilang na ang mga sanggol na hindi tataas sa anim na buwan ang gulang. Walang makapagpasusubali na hindi lahat tao ay maaaring dapuan ng naturang sakit dahil wala itong pinipiling edad. Makikitaan ng mga sintomas tulad ng lagnat, sipon, at ubo ang mga dinadapuan ng Pertussis. Sanhi ito ng isang uri ng bakteryang may pangalan na Bodotella pertussis— nadiskubre noong 1906, at may nabuo nang bakuna para rito noong 1940s.
Tinatawag na “whooping cough” ang pertussis dahil sa katangian ng pag-atake nito sa tao. Karamihan sa mga naiulat na mayroong pertussis ay nakararanas ng sunod-sunod na pag-ubo at kadalasang hinahabol ang paghinga sa hulihan, na nakalilikha ng “whooping” sound kaya rito nakuha ang katawagang “whooping cough.”
Ang sintomas tulad ng ubo ay kadalasang tumatagal ng dalawa hanggang tatlong buwan, ayon ito sa obserbasyon ng mga dalubhasa. Ngunit ang nasabing sintomas ay maaaring maagapan kung lalapatan agad ng lunas ang pasyente ng sapat na gamot at bakuna.
May kaakibat ngayon na hindi bababa sa 568 na kaso ng Pertussis ang mayroon ang bansa sa kasalukuyan, habang mayroon nang 40 na pagkamatay ang naitala, base ito sa pinakasariwang ulat na inilabas ng DOH. Dahil dito, inaanyayahan ng DOH ang mga magulang o guardians na pabakunahan ang kanilang sanggol ng pentavalent vaccine nang libre sa mga government health centers.
Ang lumulobong kaso ng naturang sakit ay malaking bahala para sa ahensiya ng kalusugan lalo pa’t kakapahinga pa lamang ng mga ospital at medical health workers sa mga nagdaang taon dulot ng Covid 19 pandemic. Kung gayon ay nararapat lamang na bigyan ito ng pansin at palawigin ang pagbabakuna upang hindi na tumaas ang mga naiuulat na kaso kaugnay nito. Ang kahandaan ng bansa tungo sa pagsagupa sa Pertussis ay may malaking angkla upang hindi na magkaroon pa ng kinatatakutang ikalawang bugso ng pandemya.
𝘶𝘭𝘢𝘵 𝘯𝘪 𝘑𝘢𝘮𝘦𝘴 𝘈𝘭𝘥𝘳𝘪𝘯 𝘉𝘳𝘢𝘤𝘦
𝘱𝘶𝘣𝘮𝘢𝘵 𝘯𝘪 𝘔𝘢𝘹 𝘐𝘷𝘢𝘯 𝘌𝘮𝘢𝘯