19/08/2025
𝗘𝗗𝗜𝗧𝗢𝗥𝗜𝗔𝗟 | Office of the S̶T̶U̶D̶E̶N̶T̶S̶ and Alumni Affairs
The Technoscope Editorial Organization
Sa isang pamantasang ipinagmamalaki ang disiplina, pagkakakilanlan, at dangal, ang uniporme ay hindi lamang kasuotan, ito ay simbolo ng pagiging bahagi ng isang mas malaking komunidad. Ngunit batid ng institusyon na bigo silang magbigay ng sapat na suplay ng uniporme, kung gayon, makatarungan bang ang mga estudyante ang mahirapan dahil wala silang mabiling uniporme agad?
Noong Pebrero, inilabas ang advisory 2025-010 hinggil sa uniporme para sa darating na akademikong taong 2025-2026. Gayunpaman, simula noon ay hindi naging sapat ang suplay ng pamantasan sa tela. Sa kabila nito, ipinilit pa rin ng Office of the Students and Alumni Affairs (OSAA) ang striktong pagpapatupad ng uniporme sa unang araw ng klase, isang polisiyang imposibleng sundin ng marami.
Maka ilang ulit na nagpaabot ng mensahe sa dekano ang mga student-lider upang humingi ng karagdagang anunsiyo, abiso, o kompromiso sa kadahilanang hindi lahat ay nakabili ng uniporme magmula nung ilabas ang anunsiyo, ngunit bigo silang makakuha ng kasagutan mula sa dekano. Upang punan ang puwang na iniwan ng katahimikan ng OSAA, naglabas ng abiso ang Supreme Student Council (SSC) na nagsusulong ng pansamantalang pagsusuot ng plain white shirt para sa mga estudyanteng wala pang uniporme. Isang praktikal panukala na agad namang hinarang ng Dekano ng OSAA, sa dahilang wala raw opisyal na advisory mula sa "kinauukulan."
Ngunit ayon mismo sa IGP office, ang opisina na nangangasiwa sa pagbebenta ng tela uniporme, ay matagal nang ipinaalam sa mga mag-aaral na walang sapat na suplay upang tugunan ang pangangailangan ng lahat. Dagdag pa rito, sila na rin ang nagbigay abiso sa SSC na maaaring magsuot muna ng plain white shirt. Hindi ba ito isa sa mga “kinauukulan” na tinutukoy ng OSAA?
Nitong lunes, ika-18 ng Agosto, habang nagmamatigas ang opisyal sa loob ng kampus, daan-daang estudyante ang pinila sa labas ng pamantasan dahil sa hindi sila naka-uniporme. Umabot ang pila sa tabi ng highway hindi lamang nakakababa ng dignidad kundi delikado rin. Isa itong malinaw na ebidensya na mas binigyang bigat ang porma kaysa sa kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.
Isa sa mga rason kung bakit kinakailangan ang uniporme ay upang matiyak ang seguridad at estudyante lamang ng paaralan ang nakakapasok sa kampus. Kung kapakanan at seguridad ng bawat PSUnian ang hangarin, hindi ba dapat mas pinagtuunan ng pansin sa kaluwagan sa pagpasok ng mga sasakyan, at maging ang hindi maayos na pagcheck ng mga bag ng mga pumapasok?
Nakababahala na sa halip na magpakita ng malinaw na pamumuno, kompromiso, at malasakit, mas pinili ng OSAA ang paninindigan sa pormalidad. Hindi ba’t mas makabubuti kung naging bukas sila sa dayalogo at naging maagap sa pagbibigay ng alternatibo?
Ang isyu ng uniporme ay hindi lang usapin ng tela, ito ay usapin ng prinsipyo. Kailangang tandaan na ang disiplina ay hindi nasusukat lamang sa pormal na kasuotan, kundi sa pagiging makatarungan at makatao sa pagdedesisyon.
Ang panukalang ibinababa ng mga nasa katungkulan ay pinag-aaralan at minamasid sa mahabang panahon bago ipatupad. Sana ay isinaalang-alang muna ng OSAA ang mga posibleng dahilan kung bakit wala pang nabiling uniporme ang mga magaaral. Kaunting pang-unawa lang naman ang hinihiling ng mga mag-aaral.
Isang KAHIBANGAN ang umasa na ang binhi ay magiging punong-kahoy sa magdamag.