24/03/2025
Title: “Hustisya para sa sanggol”
Chapter 1
Napakaganda ng panahon nang magsimula ang bakasyon ni Shikaime.
Summer na, at matapos ang ilang buwang pagtatrabaho sa iba’t ibang kaso ng mga pagkamatay, naramdaman niyang parang kailangan din niya ng sapat na oras para makapagpahinga sa mga ganitong trabaho.
Isang buwan ang ibinigay sa kanya ng kanyang superior para magbakasyon, at napagdesisyunan niyang umuwi sa probinsya ng Bohol upang makalanghap ng sariwang hangin at makalimutan ang bigat ng trabaho bilang isang detective.
Habang naglalakad papunta sa terminal ng bus, hindi maalis ang ngiti sa kanyang labi.
Bagaman sanay siya sa madugong eksena, ibang klase ang kasong tinapos niya bago ang bakasyon.
Isang kaso ng isang pamilya na lahat ay pinatay nang walang awa.
Ramdam pa rin niya ang bigat sa dibdib, kaya naman sabik siyang makalaya, kahit pansamantala.
Ngunit habang naglalakad siya sa kahabaan ng kalsada, biglang tumayo ang balahibo niya.
May naramdaman siyang kakaiba—parang may nagmamasid.
Sa gilid ng kanyang pilik mata, nakita niyang may isang maliit na bata, halos sanggol pa lamang, na tumatakbo papunta sa kanyang likuran.
Napatigil siya at mabilis na lumingon sa likod, ngunit wala siyang nakita.
"Imposible…" bulong niya sa sarili, habang inaayos ang strap ng kanyang bag.
Sinubukan niyang ipagkibit-balikat ito, iniisip na baka pagod lang siya o namalik mata.
Nakarating siya sa terminal, sumakay ng bus, at tuluyang nagbyahe papuntang Bohol.
Nang dumating siya sa kanilang lumang bahay, naramdaman niya ang ginhawa.
Malayo ito sa ingay ng lungsod, at napapaligiran ng mga punong kahoy.
Pagdating ng gabi, napagdesisyunan niyang magpahinga agad upang makabawi ng lakas.
Habang mahimbing ang kanyang tulog, bigla siyang nagising dahil may narinig siyang mahina ngunit nakakakilabot na pagtawa ng bata.
Pumikit siya nang mariin, umaasang isa lamang itong panaginip.
Ngunit nang dumilat siya, nanlaki ang kanyang mga mata.
Sa ibabaw ng bubungan, nakita niya ang isang sanggol—nakaupo, nakangiti, at nakatitig sa kanya.
Nanginig si Shikaime.
Hindi ito basta-basta.
Ang unang pumasok sa isip niya ay ang mga kwento tungkol sa tyanak, isang nilalang na nagpapanggap na sanggol upang manloko at manakit ng tao.
Hinawakan niya ang baril na laging nasa ilalim ng kanyang unan.
"Kung isa kang tyanak, huwag mo akong subukang takutin!" banta niya habang nakatutok ang baril.
Ngunit nang magtagpo ang kanilang mga mata, nakita ni Shikaime ang lungkot sa mukha ng sanggol.
Isang emosyon na tila humihingi ng saklolo.
Hindi niya nagawang kalabitin ang gatilyo.
Sa kanyang pag-aalinlangan, bigla na lamang tumakbo ang sanggol at nawala sa dilim ng gabi.
Kinabukasan, tanghaling-tapat, naglalakad si Shikaime papunta sa bayan upang bumili ng pagkain.
Habang nasa gitna ng daan, muli niyang nakita ang sanggol, nakatayo sa ilalim ng isang puno.
Ngayon, mas malinaw niyang napansin ang kakaibang anyo nito—May maliit na butas sa gilid ng tiyan.
Tila isang sugat na hindi pa tuluyang gumagaling.
Nilapitan niya ang bata, ngunit sa tuwing gagawin niya ito, nawawala ito na parang bula.
Sa ikatlong pagkakataon, nagdesisyon si Shikaime na harapin ang tyanak.
Nang magpakita ulit ito, agad niyang kinausap.
"Anong kailangan mo?" tanong niya, ang boses niya’y may halong kaba at awa.
"Hindi kita sasaktan. Gusto ko lang malaman kung bakit ka nagpapakita sa akin."
Ngunit ang sanggol ay tahimik lamang.
Hindi ito nagsasalita—isang bagay na makatuwiran para sa isang sanggol.
Sa halip, ngumiti ito at sinubukang hawakan ang kanyang kamay.
Nang sinubukan niyang abutin ang kamay ng sanggol, naramdaman niya ang malamig na hangin na parang dumaan sa kanyang balat.
Dahil dito, napagtanto niya ang totoo: ang sanggol na ito ay hindi lang basta tyanak.
Isa itong kaluluwa na hindi matahimik.
Sa mga sumunod na araw, patuloy na nagpapakita ang sanggol kay Shikaime.
Hindi ito umaalis, kahit saan siya magpunta.
Sa kabila ng kanyang takot, napansin niya na may kakaiba sa multong ito.
Hindi ito nananakit, ngunit tila may nais iparating.
Isang gabi, habang binabasa niya ang isang librong may kaugnayan sa supernatural, napansin niya ang sanggol na may gustong iparating, ngunit hindi maintindihan ni Shikaime dahil hindi pa ito natutong magsalita dahil sanggol pa.
Dahil dun, ginamit ng sanggol ang maliliit nitong kamay, tinuturo ang bahagi ng tiyan kung saan naroon ang sugat.
Sa sandaling iyon, naunawaan ni Shikaime na may gusto ang bata na gawin si Shikaime sa tyan niyang butas.
Parang may koneksyon ang sugat sa tiyan ng sanggol sa kanyang pagkamatay.
Dahil dun, naalala niya ang mga balita tungkol sa mga sindikato ng organ trafficking noong isang gabi bago siya magbakasyon—Mga walang-awang kriminal na kinukuha ang mga laman-loob ng tao, kabilang na ang mga bata, upang ibenta sa malalaking halaga.
To be continue…
Sino ang may kagagawan sa pagpatay sa sanggol na ito?
Bakit siya ang pinili nitong lapitan