13/09/2024
“Ang aking pinakamalungkot na pasko”
Ni : Astig na Makata
Isang makamundong pasanin ang patuloy tinatamasa
Sa lakbayin ng buhay kong hindi ko masawata
Iginuhit na suliranin, paano kaya mabubura?
Kung kalungkutan sa puso’y patuloy na pinipinta
Kasing lamig ng damdaming nagbunga ng kasalanan
Hanging dumarampi sa mumunti kong tahanan
Mga musikang nalimbag ng diyos ay isilang
Kapag aking naririnig napapaluha na lamang
Pagkat sabik na makita at muli kong maapuhap
Nagsilbing ilaw at haliging tawag sa’ kin ay anak
Muli kayang madarama ang init ng mga yakap?
Haplos na pumapawi sa luha kong pumapatak
Pinakamalungkot ang pasko kung di ko kasama
Pinakakautangan ng buhay buhat ng isilang pa?
Patuloy bang mananariwa hanggang sa ‘king pagtanda
Ang pasakit nyaring buhay dahil sa aking ginawa?
Kahit bitbitin ang kasukdulang pagdadalamhati
Mababakas pa rin ang lungkot sa mga labi
Luhang namamagitan sa damdaming may pighati
Patawad mo ama’t ina ang tangi kong hinihingi
Minsan ay ninais kong panaginip na lang sana
At sa aking paggising kayo ay kasama pa
Subalit kahit anong gawin ay di na mabubura
Akong bunso ninyong buhay ay napariwara