05/10/2026
4 NA SUSPEK SA ILLEGAL LOGGING, ARESTADO SA GIGMOTO
GIGMOTO, CATANDUANES โ Arestado ang apat na indibidwal matapos umanong maaktuhang ilegal na pumuputol ng mga puno gamit ang chainsaw sa Sitio Arad, Barangay San Vicente, Gigmoto, Catanduanes, nitong Oktubre 4, 2026.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Gigmoto Municipal Police Station (MPS) sa pamumuno ni PCPT Rhandy R. Rapesora, ACOP, katuwang ang mga operatiba ng DENR-PENRO at iba pang tauhan ng Catanduanes Police Provincial Office (CATPPO), matapos makatanggap ng ulat hinggil sa umano'y illegal logging operation sa bulubunduking bahagi ng lugar.
Bandang alas-12:32 ng tanghali nang maabutan umano ng operating team ang apat na indibidwal na aktuwal na nagpuputol ng mga puno gamit ang chainsaw. Sa isinagawang beripikasyon, hindi umano sila nakapagpakita ng kaukulang permit para sa pagputol ng puno at lisensya para sa paggamit ng chainsaw.
Dahil nagpapatuloy pa ang kaukulang proseso, kinilala muna ang mga indibidwal sa mga alyas na โMarino,โ โJose,โ โPablo,โ at โMario.โ
Nasamsam sa lugar ang 15 piraso ng flitches na may sukat na 2โ x 3โ x 12โ, na tinatayang katumbas ng 90 board feet at sinasabing mula sa Red Lauan. Tinatayang nasa โฑ9,000 ang market value ng mga nakumpiskang forest products.
Nakumpiska rin ang isang puti at orange na chainsaw na sinasabing walang kaukulang lisensya at may defaced serial number, na tinatayang nagkakahalaga ng โฑ3,000.
Isinagawa ang operasyon kaugnay ng umano'y paglabag sa Presidential Decree No. 705 o Revised Forestry Code of the Philippines at Republic Act No. 9175 o Philippine Chain Saw Act of 2002.
Matapos ang pagkakaaresto, ipinaalam umano sa mga suspek ang kanilang mga karapatang konstitusyonal alinsunod sa Miranda Doctrine at mga kaugnay na probisyon ng Republic Act No. 9745 o Anti-Torture Act of 2009, sa wikang kanilang nauunawaan.
Dinala rin ang mga suspek sa Gigmoto District Hospital para sa medical examination bago isinailalim sa kaukulang imbestigasyon at proseso ng disposisyon.
Kasama ng mga naarestong indibidwal, dinala sa Gigmoto MPS ang mga nakumpiskang forest products at chainsaw para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Bilang bahagi naman ng transparency at accountability sa operasyon, gumamit umano ang operating team ng OPPO A6x cellphone bilang Alternative Recording Device (ARD) habang isinasagawa ang operasyon.
Samantala, sinabi ng Gigmoto MPS na patuloy nitong paiigtingin, katuwang ang DENR at iba pang concerned agencies, ang pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan upang maprotektahan ang kagubatan at likas na yaman ng bayan laban sa ilegal na pagtotroso at iba pang mapanirang gawain.
Hinimok din ng pulisya ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad ireport ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa ilegal na pagputol, pagbiyahe o pag-iimbak ng mga produktong gubat.
Ang apat na indibidwal ay itinuturing na mga suspek lamang at hindi pa napatutunayang nagkasala. Ang kanilang pananagutan ay sasailalim sa kaukulang imbestigasyon at proseso ng batas.