07/08/2025
𝐂𝐀𝐓𝐀𝐍𝐃𝐔𝐀𝐍𝐄𝐒 𝐆𝐎𝐕𝐄𝐑𝐍𝐌𝐄𝐍𝐓, 𝐒𝐔𝐏𝐎𝐑𝐓𝐀𝐃𝐎 𝐀𝐍𝐆 𝐔𝐑𝐆𝐄𝐍𝐓 𝐂𝐋𝐀𝐒𝐒𝐑𝐎𝐎𝐌 𝐏𝐑𝐎𝐉𝐄𝐂𝐓 𝐒𝐀 𝐁𝐑𝐆𝐘. 𝐎𝐁𝐈
Bilang tugon sa pangangailangan ng karagdagang mga silid-aralan at sa banta ng nalalapit na tag-ulan, nangako si Governor Patrick Alain T. Azanza na paigtingin ang proseso ng pag-apruba ng mga permit at ang agarang paghatid ng mga materyales para sa konstruksyon ng silid-aralan sa Barangay Obi, Caramoran, Catanduanes.
Ang naturang proyekto ay pinangungunahan ng All Hands and Hearts, isang non-government at non-profit organization na nakabase sa Estados Unidos, sa lokal na pamumuno ni Andres Barcelona.
Nabatid na bago pa man magsimula ang termino ni Gov. Azanza, una na itong nakipagpulong kina Erlend Johannesen—isang beteranong socio-civic organizer mula Norway at matagal nang volunteer ng All Hands and Hearts—at sa kanyang asawa. Ipinahayag umano ng mag-asawa ang kanilang interes na maglunsad ng katulad na mga proyekto sa Catanduanes, kabilang na ang sa Barangay Obi.
Bilang alumni ng Catanduanes State University (CatSU), napag-usapan din nila Gov. Azanza ang posibilidad ng pormal na pakikipag-partner ng CatSU sa globally ranked Norwegian University of Science and Technology (NTNU), bilang bahagi ng pagpapalakas ng kakayahan ng isla sa mga proyektong matibay at ligtas na imprastraktura.
Sa isinagawang pulong noong Agosto 5, 2025 sa Governor's Office, nanawagan din si Barcelona kay Gov. Azanza na mapabilis ang proseso ng konstruksyon, lalo na’t nagsimula na ang mga aktibidad sa site at papalapit na ang tag-ulan.
Agad namang tumugon si Gov. Azanza at ipinahayag ang kanyang buong suporta. Nangako rin itong tutulong sa mabilis na pagproseso ng mga kinakailangang permit, partikular na sa pagkuha ng graba, at sa pagbibigay ng mahahalagang materyales.
Ang All Hands and Hearts ay kilala sa pagtatayo ng mga pasilidad at silid-aralan sa mga komunidad na salat sa serbisyo, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Sa Catanduanes, aktibo na itong nakapagtayo ng mga silid-aralan, at ang proyekto sa Obi ang pangatlong site ng konstruksyon sa isla. | via Rosie Nieva
Source/Photo Courtesy: Catanduanes Provincial Information Office