
02/02/2025
PAALAM SA NAG-IISANG QUEEN OF PHILIPPINE CINEMA—MS. GLORIA ROMERO! 😢💐 Maraming salamat sa iyong makabuluhang ambag sa pelikula at telebisyon! 💖
Nagluluksa ang industriya ng pelikula at telebisyon ng Pilipinas dahil sa pagpanaw ng Queen of Philippine Cinema na si Gloria Romero.
Binawian ng buhay si Gloria nitong Sabado, Enero 25, 2025, sa edad na 91.
Kinumpirma ng nag-iisang anak ni Gloria na si Maritess Gutierrez ang malungkot na balita sa pamamagitan ng isang opisyal na pahayag.
Nakasaad dito: “TO OUR DEAREST FAMILY, RELATIVES AND FRIENDS:
"It is with great sadness to announce the passing of my beloved Mother, Gloria Galla Gutierrez aka Gloria Romero who peacefully joined our Creator earlier today January 25, 2025.
“For those who want to visit the wake of Mama, it will be held in Arlington Memorial Chapel, Hall A, Araneta Avenue, Quezon City.
“In this time of loss, our family deeply appreciates the support, prayers, sympathy, all the lovely messages, and heartfelt condolences that we've received. She will surely be missed dearly.”
WHO IS GLORIA ROMERO?
Ang tunay na pangalan ni Gloria ay Gloria Anne Borrega Galla. Isinilang siya noong December 16, 1933 sa Denver, Colorado.
Ang mga magulang niya ay ang Filipino na si Pedro Galla at ang Spanish-American na si May Borrego. Kapatid niya ang yumao nang aktor na si Tito Galla.
Noong 1937 ay umuwi ang pamilya ni Gloria sa Mabini, Pangasinan, upang bisitahin ang kanyang parental grandparents.
Ang dapat sana'y bakasyon lamang ay na-extend nang na-extend hanggang sumiklab ang World War II, na dahilan kaya naging permante na ang paninirahan nila sa Pilipinas.
Napangasawa ni Gloria ang dati niyang leading man na si Juancho Gutierez, na pumanaw noong 2005.
Ang nag-iisa nilang anak ay si Maritess Gutierrez.
Nagsimula ang showbiz career ni Gloria , sa edad na 16, noong 1949 nang maging extra siya sa pelikulang Ang Bahay Sa Lumang Gulod, at dalawa pang pelikula mula sa Premiere Productions — ang Prinsipe Don Juan at Bahay Na Tisa na parehong ipinalabas noong 1951.
Napanalunan ni Gloria ang kanyang kauna-unahang best actress award mula sa FAMAS Awards noong 1954 para sa comedy film na Dalagang Ilocana.
Narating ni Gloria ang rurok ng kanyang kasikatan noong mid-'50s hanggang mid-'60s, kung saan namayagpag sa takilya ang kanyang mga pelikula at naging sought-after endorser ng mga nangungunang produkto, gaya ng Coca-Cola, Dari Creme, at Camay beauty soap.
Tumagal ng mahigit sa pitong dekada ang acting career ni Gloria, na mula sa pagiging leading lady ay tumawid sa character roles na nagpatunay sa kanyang kakayahan bilang isa sa pinakamahusay na aktres sa Pilipinas.
Ito naman ang ilan sa ginawa niyang teleserye sa GMA-7: Munting Heredera (2011-2012); Cielo Angelina (2012-2013); Makapiling Kang Muli (2013); Forever (2013); The Half Sisters (2014); Niño (2014), The Rich Man's Daughter (2015); Juan Happy Love Story (2016); Meant To Be (2017), at Kambal, Karibal (2017-2018).
Ang huli niyang TV appearance ay nang pumayag siyang mag-cameo sa isang special episode ng weekly Kapuso fantasy series na Daig Kayo ng Lola Ko noong 2022.
Malaki ang kontribusyon ni Gloria sa Philippine entertainment industry.
Tumanggap siya ng mga Lifetime Achievement Award mula sa Luna Awards, FAMAS, Gawad Urian, Guillermo Mendoza Box Office Entertainment Awards, at Film Development Council of the Philippines.
Hindi na rin mabilang ang mga parangal na iginawad kay Gloria ng iba’t ibang award-giving bodies para sa mga kategoryang best actress at best supporting actress.
Gumawa si Gloria ng kasaysayan noong 2018 dahil siya ang pinakamatandang aktres na nanalo na pinakamahusay na aktres sa edad na 85 para sa Rainbow’s Sunset, ang opisyal na kalahok sa 44th Metro Manila Film Festival.
Ang tribute para sa kanya na ginanap sa Manila Hotel noong Pebrero 28, 2024 ang huling pagkakataong nasilayan ng publiko si Gloria.
Nagsama-sama sa makasaysayang pagtitipon ang mga kaibigan at ang mga beteranong aktor at aktres.
Nagbigay-pugay sila Gloria sa pamamagitan ng pagdiriwang ng kanyang buhay, tagumpay, at pamana bilang reyna ng pelikulang Pilipino.