22/08/2026
“Pamasahe Po”
Araw-araw, napapatanong ako: sa bawat oras bang tumatakbo ang relo, may nagbabago ba? O patuloy lang tayong sumasabay sa agos? Sa bawat arangkada ng bawat biyahe, may mga taong iba-iba ang pakay—may mga nilalakad, hinahabol, pupuntahan, at may mga taong tila hinahanap pa rin ang sarili.
Kung iisipin, hindi nagiging madali ang bawat takbo ng buhay. Sa bawat paghinto ng jeep sa bawat kanto, bawat isa ay may bitbit na sariling kuwento. “Manong, sa tabi lang po.” “Paabot po.” Mga katagang panigurado akong nakasanayan na nating lahat.
Sa bawat araw, kinakailangan nating pumila, maghintay, at makisiksik sa mala-sardinas na sasakyan. Idagdag mo pa ang mahaba at mausok na biyahe dulot ng matinding trapiko. Minsan, kapag nasa loob ka ng jeep, halos kalahati na lang ng puwitan mo ang nakaupo dahil punong-puno na ang sasakyan. Panay ang sabi ng konduktor, “Isa pa… kasya pa ’yan.”
Ngunit sa kabila ng hirap at pagod, hindi maitatanggi kung paano nagkakaisa ang mga Pilipino sa loob ng jeep. Iyong tipong kapag mahina ang boses mo, may ibang magpapara para sa iyo. Kapag nag-aabot ng bayad, awtomatiko na ang bayanihan sa pagpasa ng pamasahe at sukli. Minsan pa, kapag nakita ka ng isang ale na nahihirapang makaupo, sisinyasan ka niyang umupo sa tabi niya kapag may bakante.
Hindi rin alintana ng iba kung nakatulog ka, kung ang ulo mo ay tila pinipilit na lamang itindig laban sa antok. Kasi gaya mo, pagod din sila—sa trabaho, sa eskwela, o sa mga problemang kani-kaniya nilang pasan.
Nakakapagod maging commuter, pero minsan, hindi ko maiwasang tumingin sa aking paligid. Dahil sa pagko-commute, mas nauunawaan ko kung gaano kahirap mabuhay kapag kapos ka, at kung gaano kalaki ang tiyaga at pagtutulungan ng mga tao sa gitna ng ganitong sistema.
Tunay nga na ang jeep ay sumasalamin sa kultura at buhay ng ordinaryong Pilipino. Dito mo makikita ang bayanihan, pakikisama, at pagtitiis. Ngunit dito mo rin mararamdaman ang sistemang matagal nang dinadaing ng mamamayan. Bilang commuter, hindi ko lamang nararanasan ang hirap ng biyahe—nararamdaman ko rin ang bigat ng isang sistemang tila mas madaling magpahirap kaysa umunawa.
Sabi nga nila, “Kapag mahirap ka, mas papahirapan ka at ipapakita sa’yo na mahirap ka talaga.”
At marahil, sa bawat pagsabi natin ng “Pamasahe po,” hindi lang pera ang ipinapasa natin. Kasama nito ang pagod, pangarap, pagtitiis, at pag-asang balang araw, hindi na kailangang maging mahirap ang buhay para lamang makasakay at makarating sa paroroonan.
Isinulat nina Kei Pableo at Theresa Maria Digma
Iginuhit ni Angel Ancheta