26/12/2025
BALIK-TANAW | G12 Titans, nasungkit ang ikalawang puwesto sa AtFest Debate Cup
Isinagawa ang Ateneo Fiesta (AtFest) Debate Cup noong ikasiyam ng Disyembre sa Gusaling Bellarmine-Campion, kung saan nagtipon ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang Academic Organizations (AOs) upang magtagisan ng talino at husay sa isang serye ng mga debate.
Pinangunahan ni Ryan Tahamid, Chief Adjudication Panel (CAP), ang pangangasiwa sa kompetisyon, na nagbigay ng maayos at organisadong daloy ng mga debate sa buong paligsahan.
Mula sa mga pares na lumahok sa tatlong preliminary rounds, 12 ang umusad sa mga susunod na yugto ng kompetisyon. Ang mga pares na nagtala ng una hanggang ikaapat na ranggo sa preliminary round ay awtomatikong umabante sa semi-finals, habang ang natitirang kalahok ay dumaan sa elimination rounds upang mabuo ang mga maglalaban sa grand finals.
Kabilang sa mga nakapasa ang pares nina Jaden Barredo at Dale Peñano mula sa Baitang 12 (G12) Titans, na nagtala ng ikaapat na puwesto at awtomatikong umabante sa semi-finals. Nakapasok din sa susunod na yugto ang pares nina Chelzy Cepalon at Haleema Kho sa ikasiyam na puwesto, gayundin sina Amreigh Ahmad at Nigella Tan mula sa Baitang 11 (G11) Direwolves sa ika-12 puwesto.
Sa huling araw ng kompetisyon noong ika-10 ng Disyembre, nagpatuloy ang matibay na pagganap nina Barredo at Peñano hanggang sa makapasok sila sa grand finals. Umiikot ang pinal na mosyon sa positibong obligasyon ng isang tao sa isang estranghero, na nagbunga ng isang dikit at masusing laban. Kabilang sa mga hurado si Ali Umabong, kinatawan ng G12 Titans, na kinilala bilang ikatlong pinakamahusay na adjudicator.
Sa pagtatapos ng patimpalak, nagtapos ang pares nina Barredo at Peñano sa ikalawang puwesto. Bukod dito, kinilala si Barredo bilang pinakamahusay na mananalita sa grand finals.
Pinatunayan ng resulta ng kompetisyon ang halaga ng mahusay na pagtutulungan at compañerismo sa pagbubuo ng matitibay na argumento sa loob ng akademikong larangan.
Isinulat ni Ali King Umabong
Larawang Kuha ni Arreah Lim
Edit ni Riyo Pampora